PINURI ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), iba pang church group at ministry ang pinakamatagal nang noontime show sa bansa na Eat Bulaga.
Ito ay dahil sa pagbibigay-importansiya ng programa sa moral standards na maaaring mapulot ng publiko sa sikat na sikat na segment na Aldub kalyeserye.
“2M tweets for Filipino marriage moral standards! @EatBulaga #KalyeSerye #ALDUBAgainstALLODDS,” tweet ng CBCP, sa official Twitter account nito na @cbcpnews.
Sinabi ng CBCP na bukod sa pagpapatawa at pagpapakilig sa manonood, ang Aldub ay nagbibigay din ng aral sa mga manonood.
Habang ayon sa official account ng churcn-run Radyo Veritas na @kapanalig, saludo sila sa Eat Bulaga dahil sa anila ay dalisay na intensiyon ng kalyeserye na maisabuhay ang basics ng pag-ibig at ng responsibilidad.
“We salute @eatbulaga for the pure intentions of #KalyeSerye to bring back to mind the basics of love & responsibility. #ALDUBAgainstALLODDS,” sabi sa twitter ng Radio Veritas.
Sa kabilang dako, sabi ng ibang Catholic ministries gaya ng 100% KATOLIKONG PINOY! suportado nila ang Aldub kalyeserye dahil sa wholesome message na nagpapakita kung ano dapat ang pag-ibig.
“It reflects how love should be. Love is patient, love is kind #ALDUBAgainstALLODDS, tweet ng @katolikongpinoy.
Maaalalang isa sa sumikat at nag-iwan ng aral na pahayag sa Aldub kalyeserye ang sinabi ng karakter na si Lola Nidora, (Wally Bayola) na, ”Ang pag-ibig ay … iniingatan, at ipinagkakaloob sa tamang panahon.”
Nagsimula ang AlDub fever noong Hulyo 16 nang kiligin at tunay na mag-blush ang tinaguriang Dubsmash Queen na si Maine Mendoza, nang mapansin sa TV screen na pinanonood siya ng kanyang real life crush na si Alden Richards. Naging viral sa social media ang aksidenteng love team ng dalawa at nagsimula ang kalyeserye.
Bukod sa mga manonood ng Eat Bulaga, ang Aldub ay tinatalakay na rin ng iba’t ibang programa sa radyo, maging ng mga sikat na pahayagan at naging topic na rin ng ilang kolumn ng mga kilalang kolumnista.
Pangunahing artista sa Aldub kalyeserye, na lalong nagpasikat sa Eat Bulaga! 36-taon na ngayong napapanood at umeere, sina Richards at Mendoza.
(LEONARD BASILIO)