High risk inmate na taiwanese nat’l nakapuga sa MPD
Leonard Basilio
August 17, 2015
News
NAKAPUGA sa isang tauhan ng Manila Police District-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS), ang isang Taiwanese national, itinuturing na “high risk” prisoner dahil sa large scale illegal recruitment, kamakalawa ng hapon makaraan ilabas sa MPD Headquarters para ipa-medical exam, nang tumalon sa sinasakyang motorsiklo sa Taft Avenue, Maynila.
Nakadetine na ngayon sa MPD- Integrated Jail si PO2 Marlon Anonuevo makaraan kasuhan ni Chief Insp. Arsenio Riparip, hepe ng MPD-GAIS, ng “infidelity in the custody of prisoner conniving with or consenting to evasion.”
Nabatid na dakong 3:30 p.m. nang bumalik si Anonuevo sa tanggapan ng MPD-GAIS para i-report na nakatakas ang suspek na si Michael Vincent Tan Co, alyas Sam Jasper Wang, at Bobby Wang, 28, ng 144 Leon Guinto St., Malate, Maynila.
Sinabi ni Anonuevo, papunta sila sa Ospital ng Maynila para ipa-check-up si Co ngunit pagsapit sa Taft Avenue ay biglang tumalon mula sa kanyang motorsiklo at tumakbo palayo.
Iniutos na ni MPD director, Chief Supt. Rolando Nana na magsagawa nang masusing imbestigasyon kaugnay sa insidente ng pagtakas ni Co mula sa kustodiya ni Anonuevo.
Si Co ay unang inaresto ng mga tauhan ng MPD-GAIS sa isang entrapment operation nitong Sabado makaraan ireklamo ng apat aplikanteng papuntang Taiwan na sina Gary Herana, Wilmer Domingo, Jesus Natividad at Joey Andoy, nakuhaan ng pera at pinangakuan ng trabaho bilang factory worker sa Taiwan.
Nakatakdang i-inquest si Co sa kasong large scale illegal recruitment dahil bukod sa unang apat na nagreklamo ay may 60 katao pa sa isang agency ang sinasabing nabiktima niya.
Nabatid na si Anonuevo ay nag-iisa lamang na operatiba na pumasok sa MPD-GAIS kamakalawa sa pang-umagang duty.