KAPAG hinigpitan ng pulisya ang kampanya laban sa ilegal na sugal sa lungsod ng Maynila, hindi nangangahulugan na masidhi ang hangarin nilang masugpo ang talamak na sugal.
Ang simpleng explanation dito, ang hangaring palakihin lang ang quota ng cobranza sa ‘intelihensiya’ linggo-linggo.
Alam mo ba ito MPD DD General Rolando Asuncion?
Let us give General Asuncion the benefit of the doubt. Baka naman talagang gusto ng butihing heneral at hepe ng Manila Police District (MPD) na lipulin ang illegal gambling sa kanyang AOR ngunit marami pa rin siyang bitbit na ‘pabigat at pasaway’ na opisyal na sumasabotahe sa kanyang malinis na layunin.
Sino-sino nga bang mga pulis ni Gen. Asuncion ang tila mas mahal ang kuwarta kaysa tsapa?
Bigyan natin ng konting ideya si General Asuncion sa ‘rough estimate’ ng pera (intelihensiya) na pumapasok sa kaban ng MPD linggo-linggo.
1. Barbosa PCP-P150K na ang kolektor ay si Albert.
2. DIDM-P50K
3. DID – P150k na ang mga kolektor ay sina Ken-Ken at Jun Diabetes na pawang ‘tao’ nina Tata Gerry Santos at Tata Obet Razo.
4. 50K na galing sa kolektor na si Owen at P30K mula kay Melad
5. CIDU/Enforcement – P125K galing sa koleksyon ng pulis na si alyas Cocoy
6. CIDU – Monitoring – P50K na isang Ranse ang nangongolekta
7. STF-P75K na mula sa kolektor ni Tata Boy Wong na si Jack
8. CIDG-NCR -P75K galing kina Gani at Erwin na tao ng pulis na si Allan Mendoza
9. STG-DB- P150K mula naman kay alyas Rey
10. DPIOU Reaction Unit -P50K
11. DPIOU- P100K na galing naman sa koleksyon nina Ricky at Mike.
Suma-total Gen. Asuncion, 11 pasaway na units mo diyan sa headquarters at isang PCP at sa mismong city hall ang hilo sa pag-ikot linggo-linggo para sa koleksyon ng tarya.
Hindi pa po kasali diyan ang mga nasa presinto na umano’y may quota rin iniipon ang mga station commander para sa ‘DIYOS’ sa MPD Headquarters.
Hindi po natin sinasabi na para sa inyo po Gen. Asuncion ang quotang sinisinop weekly ha?
Ipinaaalam lamang po ng pitak na ito para sa inyong kaalaman sir!
Hindi na tayo nagtataka kung bakit talamak sa siyudad ni Mayor Erap ang bookies sa karera, lotteng, Jueteng at VK.
Lalo na ang 1602 nina BOY ABANG, PERRY at ANNA!
STL CUM JUETENG
NI BONG PINEDA
AT ANG INUTIL NA
GAB-ANTI ILLEGAL
GAMBLING TASK FORCE
TAMEME ang administrasyong Aquino at ang mga ahensiyang dapat sana’y susugpo sa talamak na ilegal na sugal sa buong kapuluan partikular na ang jueteng.
Hindi tumitinag ang Philippine National Police (PNP) dahil tila nakikiramdam si General Alan Purisima sa tunay na stand ng kanyang boss na si Interior Sec. Mar Roxas.
Galit si Roxas sa operasyon ng Bingo Milyonaryo na aprubado ng Philippine Charity Sweepstakes Office(PCSO) dahil identified ang kompanyang COMNET na nakakuha ng prangkisa ng nasabing sugal kay Tonyboy Cojuangco na kaalyado ni VP Binay.
Okay kay Mar Roxas ang STL kahit pa nga prente ito ng jueteng dahil ito ay pinapatakbo ng network ni BONG PINEDA na isa sa campaign contributor/donors ng Liberal Party.
Panabay nito ang direktang pamamahagi ng ‘payola’ sa matataas na opisyales ng PNP maging sa lokal na pamahalaan.
Ilan sa mga kilalang jueteng operators na lantaran at untouchable ang operasyon ay sina TONY ‘BOLOK’ SANTOS, DON RAMON. TITA ng Laguna, JOY ng Parañaque City . LUDING BONGALING, BOY AQUINO at EDWIN OLAZO, KABAYO GONZALES.
Nakapasok na rin umano ang virtual 2 jueteng dito sa Metro Manila na kataka-takang hindi alam ni NCRPO Director Carmelo Valmoria.
Nakanganga rin ang liderato ng Games and Amusement Board (GAB) ni Chairman Juan Ramon Guanson at ang Anti Illegal Gambling Unit nito na pinamumunuan ni Atty. Ermar Benitez.
Hindi makakilos ang lahat ng law enforcement units laban sa ilegal na sugal dahil na rin sa isa na itong political issue.
‘So if you cannot beat them, you might as well join them.’ Ito na marahil ang lohika na pangangatwiran ng buong pulisya patungkol sa jueteng at ilegal na sugal.
Eto po mahal nating mga kababayan ang tunay na kahulugan ng “DAANG MATUWID!”
Ang lokohin at linlangin ang taongbayan!
May kasunod … ABANGAN!
***
Makinig sa DWAD 1098 khz “ target on air “Monday – Friday 2:00 – 3:00 pm. mag txt sa sumbong o reklamo 09167578424 / 09196612670 mag email sa [email protected]
Rex Cayanong