ni Maricris Valdez Nicasio
HINDI na kataka-takang tumutok ang publiko sa napakagandang teleserye ng ABS-CBN2 at pinagbibidahan ni Anne Curtis, ang Dyesebel. Bukod kasi sa napakaganda ng pagkakagawa nito, na sa napakagandang lugar ng Coron pa nag-taping, pawang malalaking artista pa ang bida.
Dagdag pa riyan na malakas talaga ang hatak ng Dyesebel sa mga bata at talagang pinagkagastusan para lamang maipalabas na maganda ito.
Kaya naman dahil sa mainit na pagtutok ng sambayan sa unang paglangoy ng pinakamamahal na sirena, nakamit nito ang pagiging reyna ng primetime TV.
Base sa datos ng Kantar Media, pinakapinanood na programa sa Pilipinas ang fantaseryeng pinagbibidahan nina Anne, Gerald Anderson, at Sam Milby taglay ang 32.8% na national TV rating, o halos 15 puntos na lamang kompara sa katapat nitong programa sa GMA na Kambal Sirena (17.9%). Bukod sa TV ratings, wagi rin ang pinakabagong TV adaptation ng obra ni Mars Ravelo sa social networking sites tulad ng Twitter na naging worldwide trending topic ang opisyal na hashtag na #DyesebelAngSimula.
Samantala, tiyak na lalong mapapakapit ang primetime TV viewers sa mas gumagandang kuwento ng bagong Kapamilya serye sa pagsilang ng anak nina Lucia (Dawn Zulueta) at Prinsipe Tino (Albert Martinez) na si Dyesebel. Paano haharapin ni Dyesebel ang kapalaran na itinakda para sa kanya? Mapag-iisa ba niya ang dalawang mundong matagal nang magkaaway?
Huwag palalampasin ang pagpapatuloy ng Dyesebel gabi-gabi pagkatapos ng TV Patrol sa Primetime Bida ng ABS-CBN. Para sa karagdagang impormasyon kaugnay ng Dyesebel bisitahin lamang ang official social media accounts ng programa sa Facebook.com/Dyesebel_TV at Twitter.com/Dyesebel_TV.