HINDI natin maiwasang punahin ang political dynasty ng mga Romualdez na ilang dekada nang naghahari sa lalawigan ng Leyte, bagama’t ilan sa kanilang pamilya ay napinsala rin ng bagyong si “Yolanda.”
Ang alkalde ng Tacloban ay si Aflred habang ang kapatid niyang si Martin ang congressman.
Tila mas pinagkakaabalahan pa ng mag-utol ang pagbibigay ng mga panayam sa CNN at entertainment media para ikuwento kung paano sila naka-survive kay “Yolanda.”
Nagsilbi pa ngang tour guide cum driver ni CNN anchorman Anderson Cooper si Mayor Alfred Romualdez imbes atupagin kung paano siya makatutulong sa pangangailangan ng kanyang constituents na ni singkong duling sa bulsa ay wala, kumakalam ang sikmura, walang masisilungan at nagkakasakit na.
Sa halip na ikuwento kung ano ang kanyang ginagawa para matulungan ang mga bumoto sa kanya, ipinagyabang niya sa CNN kung paano siya nakasalba sa bagyo.
‘Wento niya, sa makipot na awang raw sa loob ng kisame siya dumaan kaya hindi siya nalunod nang pasukin ng baha ang kanilang rest house.
Namangha si Cooper at napanganga sa sobrang paghanga dahil ngayon lang niya natuklasan na Pinoy pala si ‘Spider Man’ at sa Tacloban nagtatago, hindi sa Amerika. Hehehe!
NASAAN SI REP. ROMUALDEZ
SA HARAP NG TRAHEDYA?
ANG utol naman niyang si Rep. Martin Romualdez ay invisible rin, at tulad niya na hindi magawang harapin at kausapin ang kanilang mga kababayan.
Dapat ay isaksak sa isip ng mga Romualdez na inihalal sila bilang mga lider ng mga tao, at kahit pare-pareho silang biktima ng trahedya, ‘di hamak na makasasalba sila sa dami ng kanilang kuwarta.
Hindi natin maintindihan kung paano naaatim ng mga Romualdez na nakatiwangwang at nangangamoy sa mga kalye ang mga bangkay ng mga nangamatay sa bagyo.
Sa laki ng ‘kuwestiyonableng yaman’ ng kanilang angkan ay kayang-kaya nilang umarkila ng pribadong eroplano na magdadala ng mga kagamitan at mga eksperto na tututok sa pagbabangon sa kanilang lugar.
Natatandaan n’yo pa ba, si Rep. Romualdez ang umakong nagbayad ng isang milyong piso sa nilamon ng delegasyon ni dating Pang. Gloria Macapagal Arroyo sa isang bonggang hapunan sa Le Cirque restaurant sa New York?
Ano naman ang pumipigil ngayon sa mambabatas para hindi bumunot ng panggastos mula sa sariling bulsa upang tulungan ang kanilang mga kababayan?
Karamay ang pangunahing kailangan ng mga nasasakupan ng mga Romualdez upang gabayan ang desperado nilang constituents na makayanan at malagpasan ang matinding pagsubok at makabangon sa inaakala nilang nawasak na kinabukasan, kahit man lang moral support.
SUHESTIYON
HINDI na maaaring palawigin pa ang pagdurusa ng ating mga kababayan doon kaya nga sa ating programang “KATAPAT” sa DWBL-1242 kHz., kamakalawa ng gabi, iminungkahi natin ang ilang paraan kung paano mapapabilis ang pagbangon ng mga biktima ng trahedya, lalo na’t walang humpay ang pagdating ng tulong mula sa iba’t ibang panig ng mundo, gaya ng mga sumusunod:
1) Mag-set up ng mga temporary shelter na matutuluyan at matutulugan; 2) Mag-install ang Local Water Utilities Administration (LWUA) ng mga fire hydrant at gripo na dadaluyan ng tubig mula sa dating mga koneksiyon ng tubig. 3) Mag-set up ng mga temporary at centralized kitchen sa mga shelter; 4) Humimok ng 10,000 katao na mismong mga apektadong residente sa area para tumulong sa clearing operations na pasuweldohin base sa minimum wage upang maging productive; at 5) Buksan ang inabandonang ospital, gamitin pati grounds at vicinity ng ospital, para sa mga medical volunteers upang magamot ang mga maysakit.
At least, sigurado pa tayo na mga biktima talaga ang makikinabang sa mga donasyon na para rin sa kanila.
‘Pag tumagal pa ang mabagal na pagkilos at puro relief goods lang ang inaasahan para mabuhay ang mga tao, baka mas dumami ang mamatay at mabaliw dahil sa gutom.
Para sa reklamo, suhestiyon at komentaryo tumawag o mag text sa 09158227400 / Email: [email protected]
Percy Lapid