SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
SINIMULAN noong Lingo sa pamamagitan ng pagtatampok ng Sebastian: The Musical at Flavours of Lipa ang pagdiriwang ng kapistahan ng Lipa.
Handang-handa na ang Lipa City para sa pinakaaabangang Lipa City Fiesta Celebration na magaganap na magaganap mula Enero 9 hanggang Enero 20, 2026 bilang parangal sa patron nitong si San Sebastian.
Ang tema ngayong taon ng kapistahan ng Lipa ay ang San Sebastian: Gabay sa Pagkakaisa at Pananampalataya ng mga Lipeno. At muli tampok sa pagdiriwang ng kapistahan ang kanilang pagkakaisa, pananampalataya, kultura, at ang lumalagong lakas ng turismo at diwa ng komunidad ng Lipa.
Sa pamamagitan ni Mr. Joel Umali Pena, President ng Lipa City Tourism Council at may-ari ng Big Ben Complex naimbitahan ang inyong lingkod para muling tunghayan ang pagsasadula ng buhay ni St Sebastian, ang kanilang patron.
Ikalawang taon na naming napanood ang Sebastian: The Musical na isinulat ni Luisito Nario, nilapatan ng tunog ni Fernando Silva, production coordinator ni Izzie Noissim, at soundman, Shara Mae Golindang.
Kung noong isang taon ay mas mahaba ang paglalahad ng buhay ng santo na umabot sa isang oras at kalahati ngayong taon ay mas pinaigsi. Subalit naroon pa rin ang pinakamahalagang sangkap ng buhay ni St. Sebastian, ang kung paanong ang isang sundalong Romano ay pinatay para sa kanyang Kristiyanismo noong 200s CE. Unang hinatulan si St. Sebastian na mamatay sa pamamagitan ng mga palaso, itinali sa isang puno, ngunit himalang nakaligtas.
Sabi nga ni Mr. Pena, “Si St. Sebastian ay isa ring tao na nagkaroon ng divine intervention. Ginagawa natin silang inspirasyon para tayo ay maging mabuti, sundan ang kanilang buhay, ang kanilang pagiging banal, maka-Diyos.”
Idinagdag pa ni Pena bago ang pagtatanghal na, “Sa ating mga taga-Lipa at ibang lugar sa Pilipinas kung sino man ang patron nating santo nawa’y, maintindihan ninyo na tayong lahat na makasalanan ay may pagkakataong maging santo, maging matatag ang ating pananampalataya.
“Kaya sa ating pagdiriwang ng ating fiesta at sa fiesta natin araw-araw sa ating buhay, sana po ay maintindihan ninyo, ang magandang kuwento ng kanyang pakikipaglaban sa kanyang pananampalataya, sa kanyang prinsipyo sa buhay.
“Sana po ang istorya ni St. Sebastian habang kayo ay kumakain—Eat, habang kayo ay nagdarasal—Pray, at habang kayo ay nagmamahal—Love, lalo na sa Lipa ay maintindihan ninyo na tayong mga makasalanan ay pwedeng maging banal. All day all night, all the times.
“So enjoy po sa panonood, Viva San Sebastian,” pagtatapos ni Joel.
Dinagsa ng mga mananampalataya at taga-Lipa ang pagtatanghaln na idinirene ni Perry Santiago at ipinrodyus ni Joel na isinagawa sa Metropolitan Catheral of San Sebastian. Pinuno rin ang simbahan ng mga estudyante, mamamayan ng Lipa para masaksihan ang makabagbag damdaming pagsasalaysay ng talambuhay ni St Sebastian.
Nagsimula ang palabas sa pamamagitan ng pag-usisa ng isang bata sa kanyang mga magulang kung bakit nga ba taon-taon ay nagdiriwang ng kapistahan ang Lipa. Mula sa simpleng tanong, doon sinimulan ang kuwento pabalik sa nakaraan para ilarawan si Sebastian hindi lamang bilang santo kundi bilang isang batang sundalo na matapang, matatag, at hindi natitinig sa kanyang paniniwala bago tuluyang ihayag ang pagka-martir.
Sa pamamagitan ng musika, dayalogo, nagtagumpay ang bumubuo ng Sebastian: The Musical para ipakita sa mga manonood kung bakit nanatiling sentro ang San Sebastian sa pagpapakilanlan ng Lipa.
Inilahad din sa palabas na ang fiesta ay higit pa sa selebrasyon kundi ang pag-alala, pasasalamat at pananampalataya na ipinasa mula sa isang henerasyon hanggang sa susunod.
Tampok sa Sebastian: The Musical ang mahuhusay na performers ng Lipa Actors Company na pinamumunuan ni Luisito Nario.
Kasabay ng Sebastian: The Musical ang masiglang Drum at Lyre competition sa Plaza Independencia na sinundan ng pagbubukas ng Civic Society Organization Booths. Pagkaraan ay isinagawa ang Gandang Senior Lola.
Nagkaroon din ng musical excellence tampok ang Choral Competition at Flavors of Lipa tampok ang mga lokal na delicacy na tatakbo hanggang January 17, at pagkaraan ay ang Sebastian: The Musical.Nagkaroon din ng Lipa Trade Fair sa City Hall Grounds, Quiz Bee, at DepEd Night.
At dahil nakilala rin ang turismo sa palakasan tampok din ang 3rd Barako Golf Tournament sa Mount Malarayat Golf at ang Rhythm Revolution Dance Competition, Cheer Dance Competition para sa mga college students, at Sabayang Bigkas sa mag-aaral ng hay-iskul
Magtatapos ang kapistahan sa Enero 20 sa pamamagitan ng Grand Float Parade na susundan ng misa sa San Sebastian Cathedral, at ang San Sebastian Procession sa hapon na nagpapakita ng malalim na pananampalataya ng lungsod. Pagkaraan ay gaganapin ang Plaza Independencia Concert at Fireworks Display sa gabi na hudyat ng pagtatapos ng kapistahan.
Sa mga taga-Lipa, happy fiesta.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com