SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
HINDI napigilang maiyak ni music icon na si Ms Imelda Papin matapos palakpakan, purihin ang paglulunsad ng kanyang Pilipino Tayo song na composed and arranged by Mon del Rosario sa Taghalang Pasigueno noong Lunes ng hapon na diluhan ng mga tagasuporta niya mula sa iba’t ibang grupo at lugar.
“This song reminds us that no matter where life takes us, we remain one people — matatag, nagmamahalan, at nagkakaisa. ‘Pilipino Tayo’ is my tribute to every Filipino who continues to stand strong for our country,” madamdaming wika ni Imelda.
Ang Pilipino Tayo ay ukol sa pagkakaisa, pagmamahal sa kapwa Filipino at sa bansang Pilipinas.
Matagal-tagal ding hindi narinig ang magandang tinig ng tinaguriang Jukebox Queen simula nang akitin siya ng public service. At sa kanyang pagbabalik recording, isang awitin ang kanyang alay para sa mga Filipino.
Ani Imelda, regalo niya ang Pilipino Ako sa mga kapwa niya Filipino na tamang-tama ang pagkaka-release dahil sa mga nangyayari ngayon sa ating bansa, tulad ng kabi-kabilang korapsiyon na hanggang ngayo ay wala pang naparurusahan.
“Hindi siguro nagkataon. Siguro destined. I believe in destiny. Anything that is happening, there’s always a purpose.
“Ang importante lang, magsama-sama tayo, kagaya ng lyrics ng awitin kong ‘Pilipino Tayo,’” sabi pa.
Ayon kay Mr. Mon, kompositor at nag-arrange ng awitin, pinag-uusapan na nila ni Imelda ang project na ito bago pa pumutok ang mga nangyayari sa ating bansa ngayon.
“Nagtulong kami ni Imelda rito sa ‘Pilipino Ako.’ Sa kanya galing ito at tinulungan ko lang,” sabi pa ni Mr. Mon.
At para maipalaganap ang mensahe ng awiting ito sa buong bansa, mamumuno si Imelda sa isang Pilipino Tayo caravan sa buong Pilipinas, na gagamitin ang radyo, telebisyon, social media, at on-the-ground engagement upang maipabot sa pinakamaraming Filipino hangga’t maaari.
Ani Imelda, ang kampanya ay naglalayong maantig ang mga puso at magbigay ng inspirasyon sa pagkakaisa anuman ang pagkakahati-hati sa politika.
“Walang kulay po tayo ngayon… Magkaisa na tayo. I think this is better for all of us para maka-move forward na tayo faster than ever,” giit ni Ms Papin kasabay ng imbitasyon sa publiko para sa kanyang 50th anniversary celebration sa May 2026, bilang pasasalamat sa kanyang mahabang karera at muling pagpapatibay sa kanyang pangako na iangat ang diwa ng Filipino.
Sabi nga sa awitin ni Imelda: “Pilipino Ako, Pilipino Tayo… Oh! Pilipino Tayo…”
“Ako ay Pilipino, malalim kung magmahal… hindi tumatalikod sa krusada ng kapayapaan… Sa aking mga magulang ako ay magalang…”
“Kahit labi ko ay may ngiti, kahit tinig ko ay may lambing…”,
“Di mo mabibili, bakal ang paninindigan… Pilipino Ako!”
Available na ang awiting ito na nag-aanyaya sa bawat Filipino na makikanta a sabihing “PILIPINO TAYO.”
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com