OPISYAL nang inilabas ang Kayong Dalawa Lang, original love song ng batang CEO ng Purple Hearts na si Love Kryzl, na espesyal niyang regalo para sa nalalapit na kasal nina Kiray Celis at Stephan Estopia.
Ang kanta ay pagpupugay sa paglalakbay ng magkasintahan tungo sa pag-iisandibdib. Ipinakikita ang mga emosyon, alaala, at aral na kanilang pinagdaanan bago marating ang puntong ito ng kanilang relasyon. Mula sa unang nota, dama kaagad ang sensiridad at pagmamahal na nais iparating ni Love Kryzl.
Tampok sa awitin ang pagsasalaysay ng mga karaniwang hamon at tagumpay na pinagdaraanan ng mga magkasintahan. Binibigyang-diin ng Kayong Dalawa Lang ang kahalagahan ng pagtutulungan at araw-araw na pagpili sa isa’t isa—isang simpleng pahayag ngunit may napakalalim na mensahe. Para kay Love Kryzl, ang tunay na “forever” ay nabubuo kapag pinipili at pinoprotektahan ng dalawang tao ang kanilang pagmamahalan kahit anumang unos ang dumaan.
Aminado rin si Love Kryzl na malaki ang paghanga niya kina Kiray at Stephan. Ang paraan ng kanilang pag-aalaga at pagtrato sa isa’t isa ang nagsilbing inspirasyon para maisulat niya ang awiting puno ng katapatan at pag-asa. Ang kanta at music video ay prodyus ng Purple Hearts Production, ang in-house production company ng Kryzl Group of Companies, na kasalukuyang lumalawak ang presensya sa entertainment at creative industry.
Mapapanood na ang opisyal na music video ng Kayong Dalawa Lang sa Love Kryzl Facebook Page at Love Kryzl’s World YouTube Channel, at patuloy itong nakatatanggap ng mainit na suporta mula sa netizens. Ibinahagi rin na maglalabas pa ng panibagong single si Love Kryzl ngayong taon at posibleng magkaroon ng concert sa susunod na taon—isang malaking hakbang para sa batang CEO at artist na patuloy na nagpapakita ng talento.
Samantala, abala na rin si Kiray sa paghahanda para sa kanilang kasal at ibinahaging bumili siya ng Purple Hearts Products para idagdag sa kanilang wedding giveaways. Sa isang rebelasyon naman, sinabi ni Love Kryzl—may pahintulot ng bride-to-be at groom-to-be—na ang magiging regalo niya sa magkasintahan ay ang hotel reception venue at ang event styling mula sa kilalang stylist na si Gideon Hermosa, isang napakagandang handog na tiyak na magpapaganda pa sa kanilang espesyal na araw.(Allan Sancon)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com