BINIGYANG DIIN ni Senator Alan Peter Cayetano nitong Miyerkules ang kahalagahan ng pamilya, pagtutulungan, at pasasalamat sa kanyang pagdalo sa paglulunsad ng hosting ng bansa para sa FIVB Men’s World Championship 2025.
“Papasalamat ako that the way the Lord created Filipinos are napaka-hospitable natin at ang hilig natin sa bayanihan,” ayon kay Cayetano sa kanyang talumpati noong Agosto 13, 2025 sa Set Na Natin ’To: An Electrifying Launch.
Sa naturang event, ipinakilala ang opisyal na theme song na ‘Electrifying’ na isinulat at inawit ng Cebuana artist na si Karencitta, pati na rin ang mga opisyal na mascots na sina Koolog, Kidlat, at Hataw.
Dumalo rin sa okasyon sina Philippine Sports Commission Chairman John Patrick “Pato” Gregorio, Philippine National Volleyball Federation President Ramon “Tats” Suzara, Philippine Olympic Committee Chairman Abraham “Bambol” Tolentino, at iba pang kinatawan ng local organizing committee (LOC).
Bilang co-chairperson ng LOC, sinabi ni Cayetano na ang sports ay sumasaloob ng mga katangiang mahalaga sa lipunan — mula sa adbokasiya laban sa droga hanggang sa teamwork, commitment, focus, at sipag.
Binanggit din niya na sa buong mundo, tinuturing ang volleyball bilang isang “family sport,” kung saan hindi lang magkasama ang pamilya sa paglalaro kundi pati sa panonood, bagay na akma umano sa mga pinahahalagahan ng mga Pilipino.
Sa kanyang mensahe sa mga volunteer, inihalintulad ni Cayetano ang “set up” play sa volleyball sa pagsisikap ng bansa na maihanda ang sarili para sa paglago ng ekonomiya.
“How important is it in the game of volleyball na tama yung pagka-set up? So, in search of our identity economically — call centers, manufacturing, agriculture — we want the Philippines to be a powerhouse in sports tourism,” aniya.
Nagpasalamat din siya sa World Federation, sponsors, mga sports leader, at sa mga pambansang koponan ng volleyball mula under-16 division pataas.
“Thank you for joining the game. God bless you all,” dagdag pa niya.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com