NAGPAPASALAMAT si Patrick Gregorio, ang bagong uupong pinuno ng Philippine Sports Commission (PSC), kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagtitiwala sa kanya.
Sa isang pahayag noong Linggo ng umaga, sinabi ni Gregorio—na kasalukuyang presidente ng Philippine Rowing Association—na gagawin niya ang lahat para mapanatili ang maayos na pamumuno sa PSC bilang pasasalamat sa tiwala ng Pangulo.
“Isang karangalan para sa akin ang maging pinuno ng Philippine Sports Commission. Lubos akong nagpapasalamat sa tiwala ng Pangulo at sisiguraduhin kong hindi ko siya bibiguin,” sabi ni Gregorio.
Ibinahagi rin niya na nai-inspire siya sa mga tagumpay ng mga atletang Pilipino sa mga nakaraang taon, tulad ng pagkapanalo ng gold medal ni Hidilyn Diaz sa Olympics noong 2021, dalawang gold medal ni Carlos Yulo sa gymnastics sa Paris, at ang pagiging runner-up ni Alex Eala sa Lexus Eastbourne Open sa England kamakailan.
“Gusto kong maging inspirasyon sa pamamagitan ng aking pamumuno, gaya ng pagka-inspire ko sa galing ng mga atletang Pilipino. Karangalan kong magsilbi sa bayan at sa ating mga atleta,” dagdag niya.
Papalitan ni Gregorio si Dickie Bachmann, isa ring dating miyembro ng PBA board at dating professional basketball player. Kinumpirma ito ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Sabado.
Wala pang tiyak na petsa kung kailan siya opisyal na uupo sa puwesto, pero dati na rin siyang naging chairman ng PBA board noong 2014. (HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com