SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
KINOMPIRMA ni Sen Lito Lapid na magpapahinga ang PriManda. Ito ay ang sikat na loveteam nila ni Lorna Tolentino na nag-umpisa sa Batang Quiapo. Si Sen Lito si Primo at si LT si Amanda.
Sa taunang Christmas lunch ni Sen Lito kasama si Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) COO Mark Lapid kahapon sa Max’s restaurant, Sct. Tuason sinabi nitong tatapusin na ang loveteam nila ni LT.
“Kamukha lang po ng sa ‘Probinsyano’ noong bago ako humabol at mag-uumpisa na ang campaign, bawal na kasing lumabas [sa telebisyon at pelikula],” paliwanag ni Sen Lito.
“Kahit ‘yung mga billboard na may mga commercial, kung halimbawa si Coco, marami siyang billboard, ‘pag hahabol (tatabko) ‘yan, tanggal lahat ‘yun.
“Kahit ‘yung mga commercial sa TV. Iyan ay talagang batas. Kaya ito, hindi naman namin… ayaw namin talagang mawala sa ‘Batang Quiapo,’ kailangang-kailangan talaga.
“Dahil nasa batas po iyan. Hindi na po puwedeng lumabas. Nakalulungkot man, pero kailangan, politika kasi ‘yan,” paliwanag ng senador pero umaasa siyang maibabalik ang kanilang tambalan ni LT pagkatapos ng botohan.
Ibinuking ni Sen Lito na bantulot siya noong una nang sabihin sa kanila ni Coco na ila-loveteam siya kay Lorna.
“Noong una medyo naaano (bantulot) kami. Kasi, sinasabi ko kay Coco, noong itinambal ako kay Lorna, sabi ko, baka hindi na kami bagay.
“Kasi nga, senior citizen na kami. Eh, sabi niya, ‘Hindi! Kailangan kasi para magkaroon ng love team ang senior citizens. May pag-asa pa sila!’
“Kay Angel Aquino, sa ‘Probinsiyano,’ ganoon din ang tema. Sabi niya, ‘bakit kay Angel Aquino, sa ‘Probinsiyano,’ kinagat ng tao? Baka ito, kakagatin din.’
“Kasi ‘yun nga, parang magkasing-edad kami, ka-level ko naman halos si Lorna. At ‘yun nga, hindi pa kami nagtatambal kahit kailan noong araw. Dito lang sa ‘Batang Quiapo.’
“Mabuti naman at nagpapasalamat ako sa sumusuporta sa PriManda. Tinatangkilik nila,”
nakangiting tsika pa ni Sen Lito.
At dahil nga loveteam hindi naiwasang itsismis sila. At nilinaw ng senador na puro tsismis lang talaga ang lahat.
“Kung gusto niyo, mas gusto ko sana!” pabirong sabi ng senador. “Kaya lang, wala! Wala. Puro tuksu-tuksuhan lang.”
Okey lang naman kay Mark ang nabuong loveteam ng kanyang ama at ni LT. Aniya,
trabaho lang ang pagtatambal kina Lito at Lorna.
“And kami naman, we laugh at it because it’s work. Trabaho, part of our job. And nothing personal.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com