SUNOD-SUNOD na naaresto ng mga awtoridad ang limang Nigerian nationals na sinasabing dumukot sa kapuwa nila Nigerian sa lungsod ng Angeles, lalawigan ng Pampanga, nitong Huwebes, 7 Nobyembre.
Kinilala ni PRO3 Director P/BGen. Redrico Maranan ang limang suspek na Nigerian nationals na sina Evans Enwereaku Chinemerem, David Chidera Ibegbulamo, Nwokeke Christian Ihechukwu, Nwokeke Cajothan Chinemmrem, at Okonkwo Emmanuel Kosiso, pawang mga residente ng nabanggit na lungsod.
Ayon kay P/BGen. Maranan, nadakip ang mga suspek sa pangunguna ng mga operatiba ng PNP-Anti Kidnapping Group katuwang ang mga tauhan ng Mabalacat CPS at Angeles CPS, sa ginawang rescue operation sa Brgy. Malabanias, sa naturang lungsod pasado 5:00 ng madaling araw noong Huwebes.
Ikinasa ang rescue operation batay sa ulat na nakuha ng PNP-AKG, particular ang lugar kung saan dinala ang biktima na kinilalang si Kingsley Chukwuemeka Ikeagwuana, Nigerian national, estudyante, nakatira sa Urban Resort Residences, sa lungsod ng Parañaque.
Nakompiska sa operasyon ang dalawang kalibre .45 na may lamang mga bala, magasin, at isang kalibre .38 revolver na may lamang mga bala.
Nakatakdang kasuhan ang mga suspek ng Kidnapping for Ransom (KFR) at paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. (MICKA BAUTISTA)