PORMAL nang inilunsad ang Maharlika Pilipinas Volleyball Association (MPVA) sa pangunguna ni dating Senador Manny “Pacman” Pacquiao bilang founding chairman.
Ayon kay Pacman, mahalagang suportahan ang bawat uri ng pampalakasan nang sa ganoon ay mas lalong magkaroon ng inspirasyon ang mga kabataang Filipino na huwag pabayaan ang kanilang hilig sa pampalakasan.
Bukod dito, nauna nang inilunsad ni Pacquiao ang liga sa basketball at boxing na kanyang napagtagumpayan at nagbigay ng karangalan sa bansa.
Tiniyak ni Pacquiao na umaasa siyang magkakaroon ng isang akademya para sa pampalakasan upang higit na ma-develop ang mga angking galing ng mga manlalarong mula sa grassroots.
Aminado si Pacquiao, lubhang mahirap ang maglunsad at gumawa ng mga liga para sa mga kabataang manlalaro lalo na’t ang ginagastos ay galing sa sariling bulsa.
Ngunit kanyang siniguro na hindi siya magsasawa o panghihinaan ng loob para tulungan ang mga kabataang Filipino upang higit silang malinang sa larangan ng pampalakasan.
Naniniwala si Pacquiao, ang galing at husay ng Filipino ay hindi kayang sukatin lalo na’t maraming beses nang pinatunayan ito ng mga Filipino at ang pinakahuli ay ang pagsungkit ng dobleng gintong medalya ni Carlos Yulo. (NIÑO ACLAN)