I-FLEX
ni Jun Nardo
DUSA ang dinanas ng bidang si Elle Villanueva sa pahirap scenes sa kanya ng limang kontrabida niya sa Public Affairs series ng GMA na Makiling na ngayong hapon mapapanood.
Bugbog-sarado, sugat-sugat, at kung ano-anong pasakit ang dinanas niya sa mga kontrabida niyang sina Kristoffer Martin, Myrtle Sarrosa, Clare Castro, Royce Cabrera, at Teejay Marquez na ang tawag ay Crazy 5.
Buti na lang, sa bawat mahihihirap na eksena ni Elle, laging kasangga niya ang real BF niyang si Derrick Monasterio na kasama rin sa serye.
Sa totoo lang, hindi tungkol sa alamat ni Maria Makiling ang Makiling kundi sa mga herbalist at albularyo na hanggang ngayon ay pinaniniwalaan pa.
Mula sa direksiyon ni Conrado Peru at mapapanood after Stolen Life sa GMA Afternoon Prime.