DINOMINA ng Siargao Dragons ang apat sa pitong events na nakataya at inangkin ang overall championship sa katatapos na 2nd International Dragon Boat Festival sa Baywalk area sa Puerto Princesa, Palawan.
Ang mga paddlers ng Surigao del Norte ay nagpakita ng mahusay na pagtutulungan, lakas, at timing sa pagwalis sa unang tatlong karera sa 10-man standard boat — women’s 500-meter, men’s 500-meter, at mixed 500-meter – sa unang araw ng kompetisyon na sinaksihan ng buong Philippine Sports Commission (PSC) Board members na pinamumunuan ni Chairman Richard Bachmann.
Ang pagdiriwang ay kasabay na idinaos sa PSC Indigenous Games kung saan dumalo rin si Bachmann at ang kasama bago ang exploratory meeting kasama si Puerto Princesa Mayor Lucilo Bayron at mga kinatawan ng Provincial Government ni Gov. Dennis Socrates.
Nanguna sa simula pa lamang, napanatili ng Siargao women’s paddlers ang distansiya sa mga karibal at tinapos ang women’s 500-meter distance sa loob ng dalawang minuto at 28.41 segundo. Kasunod ang Dragon Pilipinas at Fire Dragons sa 2:29.24 at 2:34.46, ayon sa pagkakasunod.
Sa men’s 500-meter, nalampasan din ng Siargao ang mga karibal sa huling paghahabol ng mga ito patungo sa tagumpay sa tiyempong 2:08.28, tinalo nila ang Mr. Canoe (2:09.12) at Philippine Titan (2:09.57). Ang mixed squad ng koponan ay sumali sa winning run na nagtala ng 2:08.12 laban sa Alliance of Masters (2:08.61) at Philippine Titan (2:09.33).
Sa pagtatapos ng festival, nanalo rin ang Siargao Dragon sa mixed 200-meter sa oras na 53.58 segundo laban sa Alliance of Masters (54.35) at Hong Kong China Canoe (55.35).
“Ang Siargao ay hindi lamang puwersang dapat isaalang-alang sa surfing kundi maging sa dragon boat. Laban sa ilan sa pinakamalakas na koponan sa Asya, masasabi nating hindi lang Siargao ngunit lahat ng mga lokal na koponan ay nagpakita ng lakas at determinasyon na dominahin ang karera. Malaking bagay ito para sa ating bansa at sobrang saya ng crowd talagang dinumog itong tournament natin,” sambit ni Philippine Canoe-Kayak Dragonboat Federation (PCKDF) president Len Escollante.
‘Nagpapasalamat kami sa ating host sa pangunguna ni Mayor Lucilo Bayron at siyempre sa suporta ng buong PSC Board, sa pangunguna ni Chairman Richard Bachmann. Yung mga kalahok natin from China, Hong Kong, Thailand, Malaysia and Taiwan masaya sila,” aniya.
Ang iba pang nagwagi sa dalawang araw na event ay ang Mr. Canoe sa men’s 200-meter (49.45) edging Titan (53.81) at Dragon Pilipinas (54.93), habang inaangkin ng Alliance of Masters ang women’s 200-m gold sa oras na 1:03.95. Nanalo ang Mighty Dragons sa masters 200-m sa oras na 1:01.39. (HATAW Sports)