SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
HINDI muna mapapanood sa nakasanayang oras ang ilang programang palabas tuwing primetime ng ABS-CBN na napapanood sa A2Z para bigyang daan ang pagpapalabas ng PBA games.
Anang ABS-CBN, suportado nila ang pagbabagong ito at maaapektuhan lamang sila sa tuwing may laro ng PBA.
Sa inilabas na statement ng ABS-CBN sinabi nilang simula Nobyembre 5, 2023 hindi muna mapapanood ang ilan nilang panoorin tulad ng FPJ’s Batang Quiapo, Can’t Buy Me Love, Senior High, at The World of A Married Couple sa A2Z para bigyang daan ang pagpapalabas ng PBA games simula season 48.
Bagkus, mapapanood ang mga primetime programs sa TV5.
Narito ang kabuuang statement ng Kapamilya.
“Simula 5 Nobyembre 2023, ilan sa ABS-CBN programs na napapanood sa A2Z tuwing Miyerkules, Biyernes, at Linggo ay magbibigay-daan sa PBA games simula season 48.
“Mapapanood naman ng A2Z viewers ang primetime programs na ‘FPJ’s Batang Quiapo,’ ‘Can’t Buy Me Love,’ ‘Senior High,’ at ‘The World of A Married Couple’ sa TV5.
“Tuwing Linggo, mapapanood din ang ‘Everybody, Sing!’ at ‘I Can See Your Voice’ sa TV5 at may delayed telecast ang mga ito sa A2Z pagkatapos ng PBA games.
“Suportado ng ABS-CBN at A2Z ang pagbabagong ito na magiging epektibo tuwing may PBA games.
“Maraming salamat, mga Kapamilya, Kapatid, at Ka-A2Z sa patuloy ninyong pagmamahal at suporta sa aming mga programa.”