MA at PA
ni Rommel Placente
SUMALANG si Isko Moreno, isa sa regular host ng revamped Eat Bulaga sa ‘Not Gonna Lie‘ segment ng Dapat Alam Mo! na si Kim Atienza ang host.
Isa sa mga natanong sa dating mayor ng Manila, kung nasasaktan ba siya sa mga nang-ookray at nangba-bash sa kanya sa pagiging isa niya sa host ng nasabing noontime show ng GMA 7?
Ang sagot ni Yorme ay ‘no,’ na kinompirma naman ng lie detector test dahil ‘true’ ang lumabas na sagot.
Natatawang hirit ni Isko, “Manhid na, eh! Hahahaha!”
Paliwanag pa niya, naiintindihan niya ang mga manonood at loyal fans ng Eat Bulaga dahil nasanay at nakagawian na ng mga ito ang kanilang pinapanood sa loob ng mahigit apat na dekada.
“Kaya ang kailangang makita ng mga televiewer sa bagong ‘Eat Bulaga,’ ‘yung mga bagong puwedeng maging magdulot ng kasiyahan at saka yung tulong,” aniya pa.
Ipinagdiinan din ni Yorme na mas nakatutok at naka-focus ngayon ang bagong Eat Bulaga sa televiewers at hindi sa mga host nito tulad niya at nina Paolo Contis, Buboy Villar, Betong Sumaya, Glaiza de Castro, ang magkapatid na Cassy at Mavy Legaspi at iba pa.
Speaking of Kuya Kim, naglabas siya ng saloobin ukol sa pagdedeklara ng persona non grata sa drag queen na si Pura Luka Vega. Sunod-sunod ang mga balita at anunsiyo ng pagkakadeklara ng persona non grata kay Luka at ang huli nga ay ang deklarasyon ng Manila City Council.
Post ni Kuya Kim sa kanyang social media account, “Quiapo is the epicenter of Black Nazarene devotion. Kudos to [Manila] City Council which I was once a member of.”
Sa post na ito ni Kuya Kim, tinag niya ang kasalukuyang alkalde ng Maynila na si Dra. Honey Lacuna at si Isko.
Nag-ugat ang deklarasyon ng mga city council dahil sa contoversial drag art performance ni Pura, na nakabihis siya bilang si Hesus habang sumasayaw at kumakanta ng remix song ng Ama Namin.