RATED R
ni Rommel Gonzales
NAGING emosyonal si Dennis Padilla sa storycon ng upcoming film na Magic Hurts.
May kinalaman sa kanyang mga anak kay Marjorie Barretto ang naging hugot ni Dennis na hanggang ngayon ay hindi pa rin sila nagkakaayos nina Julia, Claudia, at Leon.
“Kamukha niyong title ng pelikula, ‘pag hurt, may healing. Doon pumapasok ‘yung magic,” umpisang pahayag ni Dennis.
“Kasi kapag may sakit, may healing. Tapos ‘yun ‘yung magic niya eh, kasi galing sa pagmamahal ‘yun.
“There was one time nga, tinext ko si Claudine.”
Kapatid ni Marjorie ang aktres na si Claudine Barretto na kasama rin sa cast ng Magic Hurts.
Pagpapatuloy ni Dennis, “Sabi ko, ‘Alam mo, Claudine, kung bakit tayo nasasaktan? Kasi mahal natin sila, eh. ‘Di ba, ‘pag mahal mo, nasasaktan ka?’
“Parang natutunan mo nang mabuhay na kasama ‘yung sakit. “Nakakasanayan mo,” na walang dudang ang kanyang mga anak kay Marjorie ang tinutukoy ni Dennis.
Napalitan ng ngiti ang lungkot sa mukha ni Dennis nang sinabi niyang umaasa siyang magkakaroon siya ng healing ‘pag nasa Atok, Benguet na siya.
Sa Baguio at sa Atok kukunan ang kabuuan ng pelikula.
“Baka pagdating sa Atok, baka mag-heal siya, eh. Kasi malamig doon.
“Baka roon pumasok ‘yung magic ng healing,” napangiti niyang pahayag.
Mula sa Rems Film Production, ilulunsad sa pelikulang Magic Hurts ni direk Gabby Ramos ang tambalang Mutya Orquia at Beaver Magtalas at ang newbie na si Maxine Trinidad.