RATED R
ni Rommel Gonzales
KAHIT matagal nang nangyari, hindi pa rin maiwasan ni I-Juander host Susan Enriquez na maiyak kapag naaalala ang pagkakabihag sa kanya noon ng bandidong Abu Sayyaf Group sa Basilan, na itinuturing niyang isa sa pinaka-nakatatakot na yugto ng kanyang buhay bilang mamamahayag.
Ayon sa co-host ng programa na si Mark Salazar, maituturing na beterano si Susan sa news coverage ng kaguluhan noon sa Basilan, na dahilan para iwasan noon ng mga tao ang lalawigan.
Pero malayo na ang sitwasyon ng Basilan ngayon na mas tahimik na kung ikukompara noon na aktibo pa ang ASG.
Tinanong ni Mark ang kanyang partner na si Susan kung paano siya nabihag ng mga bandido?
“Bago naman kami umakyat doon, may meeting with the official government, with military, and with police. Kumbaga sanctioned naman nila ‘yung paglakad, hindi naman ‘yung parang patakas,” kuwento ni Susan.
“Tapos nandoon na kami sa tuktok, doon sa kampo ng Abu Sayyaf, doon lang namin nalaman na mayroon palang demand ‘yung mga bandidong Abu Sayyaf,” patuloy niya.
Humihingi umano ng 200 sako ng bigas ang mga bandido at hindi sila pabababain ng bundok hangga’t hindi naibibigay ang mga bigas.
Pag-amin ni Susan, isa iyon sa mga pinaka-nakatatakot na yugto ng kanyang buhay bilang isang mamamahayag. Iniisip din niya kung makikita pa niya ang kanyang anak.
“‘Yun ‘yung isa sa pinaka-nakatatakot na yugto ng buhay mo bilang isang journalist. Kasi hindi ikaw ang may control [ng sitwasyon],” saad niya.
“Hindi ka makakapag-communicate sa kung sino man ‘yung gusto ko tawagan. So iniisip ko ‘Paano si Kaye? Paano ‘yung anak ko?’ Siyempre ‘yung isang araw, dalawang araw lang na hindi mo makita at makakausap, parang taon ‘yung pakiramdam niyon. Wala nga kasing assurance kung makakabalik ka pa,” patuloy niya.
Sa kabila ng kanyang sitwasyon noon, sinabi ni Susan na hindi rin niya maiwasan na isipin ang kinabukasan ng mga bata na nakikita niya sa lugar.
“Bigla mong naiisip, ano magiging kinabukasan ng mga bata roon? Hindi lang ‘yung mga binihag, pati ‘yung nakatira mismo roon sa probinsiya. Ano ‘yung magiging kinabukasan nila kung sila ay namumulat doon sa buhay ng kahirapan at karahasan,” sabi pa ni Susan.
Ngayon, dinarayo na ng mga turista ang Basilan. Katunayan, makukulay na floating cottages ang sumasalubong sa mga turista ng Isabela, Basilan, na handog ng mga kababaihang Sama Banguingui.