SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
ISA kami sa naghahanap ng interview ni Sen Tito Sotto kay Boy Abunda dahil marami nang nakapag-interview sa dating senador ukol sa mga problemang kinakaharap ngayon ng Eat Bulaga!
Ayon sa narinig naming tsika, tumanggi umano ang TV host-public servant at dating senador na si Tito Sen na magpa-interview kay Kuya Boy.
Nauna nang nainterbyu ni Kuya Boy sa kanyang programang Fast Talk with Boy Abunda si Dapitan Mayor Bullet Jalosjos, chief finance officer ng TAPE, Inc. tungkol sa mga isyung bumabalot sa Kapuso noontime show kaya natural na hanapin at mag-expect din ang netizens ng interbyu ang King of Talk kay Tito Sen.
Subalit hanggang ngayon ay wala pa rin. Nagpa-interview na ang dating Senate President kay Nanay Cristy Fermin at sa iba pang TV host pero walang napanood na panayam ang publiko sa Fast Talk.
Ayon sa vlog ng talent manager at content creator na si Ogie Diaz, hindi raw talaga nagpa-interview si Tito Sen kay Tito Boy dahil ang feeling daw nila nina Vic Sotto at Joey de Leon ay parang pumabor ang mga question ng veteran host at talent manager kay Mayor Bullet.
May nakapagsabi raw kay Ogie na isang source tungkol sa sentimyentong ito ng iconic trio pero sa pagkakakilala raw niya kay Tito Boy, imposibleng hindi kunin ng kanilang programa ang panig ng magkabilang kampo.
“Feeling daw ng kampo ng TVJ, parang masyadong pabor ang mga tanong ni Kuya Boy kay Bullet. Parang before parang nag-usap si Bullet at si Kuya Boy,” ani Ogie sa kanyang vlog.
Dagdag pa, “Knowing Tito Boy, kukunin pa rin niya ‘yung panig ng kabila, kapag ayaw wala rin naman siyang magagawa.”
Paglilinaw naman ni Ogie ukol sa pag-uusap muna nina Kuya Boy at Mayor Bullet bago ang interbyu, “Normal lang ho ‘yon sa nag-iinterview na bago sumalang on cam ay kakausapin ka muna off cam. Normal po ‘yon.”
Sa kabilang banda, wala pa kaming naririnig na pahayag sina Tito Sen, Bossing Vic, Tito Joey, at Kuya Boy hinggil sa isyung ito.
Sa pagkakakilala namin, mas gustong kunin ni Kuya Boy ang bawat panig ng magkabila para mas mabigyang linaw ang mga usapin. Nakatitiyak din kaming hindi intensiyon ng magaling na host na saktan o may panigan sa mga nagbabanggaan— TVJ at Mayor Bullet.
Hangad naming mabigyang linaw ang mga bagay na ito.