KINONDENA ng alkalde ng lungsod ng Cotabato ang serye ng pamamaril dito kabilang ang pinakahuling insidente ng pananambang sa sasakyan ng opisyal ng Philippine Army na ikinasawi ng isang sundalo nitong Sabado ng gabi, 12 Nobyrembre.
Pahayag ni Mayor Mohammad Ali Matabalao, mariin nilang kinokondena ang pinakahuling insidente ng pananambang at lahat ng nauna pang pamamaril na naganap sa lungsod ng Cotabato.
Sakay si Lt. Col. Manago Macalintangui, 49 anyos; at kanyang driver na si Cpl. Ramil Laguioman, 34 anyos, ng isang Mitsubishi Montero, may plakang ZAA-8652 nang tambangan ng dalawang gunman na magkaangkas sa motorsiklo dakong 7:20 pm kamakalawa.
Agad binawian ng buhay si Laguioman dahil sa mga tama ng bala sa kanyang katawan habang ligtas at hindi nasaktan ang opisyal.
Narekober ng pulisya sa pinangyarihan ng krimen ang walong basyo ng bala mula sa kalibre .45 pistola.
Ayon kay Brig. Gen. John Guyguyon, hepe ng PRO-Bangsamoro Autonomous Region, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at kung ano ang motibo sa likod nito.
Nakatalaga ang opisyal sa extension office ng Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity at kabilang sa programang pangkapayapaan sa rehiyon ng Bangsamoro.