SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
SOBRANG proud ni Abby Viduya kay Jomari Yllana nangmaka-second runner-up sa Rally Sprint RS Open Category ng Paeng Nodalo Memorial Rally noong November 5 sa Subic Bay Freeport.
Matagal-tagal ding hindi nakapangarera si Jomari subalit hindi nakitaan ng paninibago ang aktor/politiko dahil masigla niyang natapos ang karera at nakakuha pa ng puwesto.
Malaking bagay ang suportang ibinigay ni Abby kay Jomari gayundin ng anak na si Andre Yllana na nagtunto din sa Subic para personal na makita ang pangangarera ng kanyang ama at bigyan iyon ng moral support.
Sinabi ni Jom na malaking bagay na naroon ang kanyang anak na mahilig din sa car racing dahil naka-inspire iyon sa kanya para lalong pagbutihin ang pangangarera.
Ang Paeng Nodalo Memorial Rally isinagawa bilang tribute kay Paeng Nodalo, isa sa pillar ng motorsports, at nasa likod ng legendary Mabuhay Rally noong 1970.
Sa sobrang proud ni Abby kay Jom, nag-post ang aktres sa kanyang social media ng, “Congratulations my Baby!!! You did it again! So proud of you! You are amazing I love you baby#podiumfinish#rscategory#proudofyou#rallysprint.”
Hindi rin makapaniwala si Jomari sa tagumpay niya sa car racing lalo’t taon din siyang walang practice.
Ito ang unang pagkakataon na sumali siya sa Rally Sprint RS Open Class category na 26 karerista ang nakalaban niya.
Isang turbo diesel hatch CRDI ang minaneho ni Jomari at nagpapasalamat siya sa kanyang navigator na si Jeremie Lo. Idine-dedicate ni Jom ang kanyang pagkapanalo sa kanyang mga fallen comrade na sina Ed del Rosario at Boy Ochoa.
“I joined the race just to have fun. I missed the sport, I like the adrenaline rush that it provides, especially when one hits podium finish,” anang aktor/politiko.
Dahil sa pagwawagi, nasabi ni Jomari na posibleng mangarera pa rin siya at sasabak siya internationally. “I think I’m good for another five years.”
Posibleng sumali siya ng car racing sa United States, the United Kingdom, at Spain.