HIMALANG nakaligtas isang 18-anyos na estudyante nang mahulog sa 50-metrong lalim ng bangin habang nagse-‘selfie’ sa Balete Pass National Shrine, sa Brgy. Tactac, bayan ng Santa Fe, lalawigan ng Nueva Vizcaya nitong Linggo, 29 Mayo.
Isa ang Balete Pass National Shrine sa mga makasaysayang lugar sa lalawigan na kilalang pinupuntahan ng mga lokal at mga banyagang turista.
Tinatawag ding Dalton Pass, ang Balete Pass, ay daanan sa bundok na nagdudugtong sa mga lalawigan ng Nueva Vizcaya at Nueva Ecija.
Kinilala ang biktimang si Mark Genesis Balagtas, estudyante mula sa San Jose, Nueva Ecija, na napag-alamang patungong San Mateo, Isabela nang huminto muna sa Balete Pass National Shrine upang kumuha ng mga larawan.
Ayon kay P/Lt. Jefferson Dalayap ng Santa Fe MPS, maaaring nahilo si Balagtas kaya nahulog sa bangin.
“Nakatayo lang siya doon na kumukuha na photo at nagselfie at saka ang sabi nakaramdam ng pagkahilo saka tuluyang nahulog doon sa bangin,”pahayag ni Dalayap.
Dagdag ni Dalayap, abala sila sa checkpoint sa Dalton Pass nang marinig ang paghingi ng tulong ng isang gwardiya.
Nagtungo sa lugar ang mga tauhan ng Santa Fe MPS sa pamumuno ni Dalayap, 3rd Maneuver Platoon 2nd Nueva Vizcaya Provincial Mobile Force Company.
Nahirapan umanong irekober ang biktima dahil sa tarik ng nasabing bangin ngunit kalaunan ay ligtas na naiakyat mula sa pagkakahulog gamit ang isang lubid.
Agad nilapatan ng paunang lunas ng Santa Fe MDRRMO, sa pangunguna ni Nurse Allan Lazaro, ang biktima na nagalusan sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Matapos masagip, inihatid ang biktima sa kanilang bahay sa Nueva Ecija kung saan siya pinayuhang magpahinga.
“Naglayas daw kasi ang binata at plano na noong pumunta sa kanyang tiyahin sa San Mateo, Isabela pero bumaba ito sa bus para magpapicture muna doon sa Nueva Vizcaya nang maganap iyong pagkahulog niya,” saad ni Dalayap.