AGAD namatay ang isang binatilyo nang pagbabarilin ng anim na hindi kilalang suspek saka ginilitan sa leeg sa isang kalye sa Brgy. Nagsaing, sa bayan ng Calasiao, lalawigan ng Pangasinan, nitong Biyernes ng umaga, 20 Mayo.
Ayon sa pulisya, agad binawian ng buhay ang 15-anyos biktima dahil sa anim na tama ng bala sa kaniyang katawan at mga laslas sa kaniyang leeg.
Nabatid na naglalakad sa kalsada ang biktima kasama ang kaniyang ama at tiyuhing kinilalang si Willie Saplan, nang dumating at paligiran sila ng anim na suspek na sakay ng apat na motorsiklo.
Bumunot ng baril ang isa sa mga suspek at ilang beses pinaputukan ang biktima saka nilaslas ng isa pa ang kaniyang leeg.
Nitong Sabado, 21 Mayo, ipinag-utos ni P/Col. Richmond Tadina, provincial director ng Pangasinan PPO, sa hepe ng Calasiao PNP na magsagawa ng malalimang imbestigasyon upang matukoy ang person/s of interest kaugnay sa krimen.
Napag-alamang bago ang pamamaril, ipinatawag sa barangay hall ang menor de edad na biktima na sinamahan ng kaniyang ama at tiyuhin para sa isang paghaharap ngunit hindi dumating ang nagreklamo.
Ani P/Col. Tadina, inimbitahan ang biktima sa barangay dahil sa pagkakasangkot sa insidente ng nawawalang bagay sa isang utility box sa plaza noong kasagsagan ng kampanya sa eleksiyon.
Samantala, narekober ang mga basyo ng bala ng baril sa pinangyarihan ng insidente na isasailalim sa pagsusuri.
Dagdag ni Tadina, itinuturing na person of interest ang nagreklamo laban sa biktima at kung may kaugnayan sa mga insidenteng may may kaparehong modus sa isa pang bayan sa Pangasinan.
Patuloy ang pagsasagawa ng dragnet at checkpoint operations ng lahat ng estasyon ng pulisya sa lalawigan para sa madaling pagkakadakip sa mga tumakas na suspek.