HUMILING ng agarang kasagutan ang kampo ni congressman-elect Roberto “Pinpin” Uy, Jr., kasama ng kanyang legal team, mula sa Commission on Elections (COMELEC) dahil sa pagsuspende sa kanyang proklamasyon bilang kongresista ng unang distrito ng Zamboanga del Norte.
Nabatid ni Uy, hindi itinuloy ni provincial election supervisor Atty. Verly Tabangcura-Adanza, chair of the Provincial Board of Canvassers (PBOC), ang proklamasyon sa kanya dahil sa umano’y kautusan mula kay COMELEC chairman Saidamen Pangarungan dakong 10:00 pm nitong Miyerkoles, 11 Mayo.
Sa datos mula sa partial at unofficial results nitong Huwebes, 10:00 am, pinagsama-sama mula sa 332 o 96.36 porsiyento ng election returns na naiproseso na, makikitang si Uy ang nangunguna bilang kongresista sa unang distrito ng Zamboanga del Norte at may 69,591 boto.
Ayon kay Atty. James Verduguez, ang chief legal counsel ni Uy, kombinsido siyang walang basehan ang COMELEC PBOC para ipagpaliban ang proklamasyon sa kanyang kliyente dahil napirmahan ng mga miyembro nito ang certificate of canvass at proclamation, kabilang na si Adanza.
Nakikipagtulungan na si Verduguez kay Atty. Dino de Leon — ang legal counsel ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) na kinaaaniban ni Uy — upang itaguyod ang integridad ng lokal na halalan sa Zamboanga del Norte sa pamamagitan ng pagprotekta sa mga boto na natanggap ng nagwaging kongresista.
Nanindigan ang mga abogado ni Uy na walang matibay na kautusan na pinagtitibay ng Clerk of the Commission at ang Electoral Contests Adjudication Department ng COMELEC, para pigilan ng PBOC ang proklamasyon sa mga nagwaging kandidato.
Sabi ni Verduguez, ang tawag sa telepono na sinasabing natanggap ni Adanza mula kay Pangarungan ay hindi maaaring basehan maliban kung ito ay inihatid sa pamamagitan ng sulat bilang pagtalima sa sinusunod na protocol.
Kung hindi, ito umano ay maaaring mangahulugan na hinihimok siya ng tagapangulo ng COMELEC na huwag gampanan ang kanyang tungkulin sa ilalim ng batas.
“The duty of the PBOC is ministerial; therefore, provincial election supervisor and PBOC Chair Adanza has no discretion whatsoever to suspend or hold off Uy’s proclamation based on a ‘mere’ allegation of a phone call from the COMELEC chair,” pahayag ng abogado ni Uy.
“Moreover, there is no valid order, duly certified by the Clerk of the Commission giving such directive. It must be emphasized that the COMELEC is a collegial body composed of seven (7) members,” dagdag ni Verdugez.
Sakop ng unang congressional district ng Zamboanga del Norte ang hilagang bahagi ng probinsiya kabilang ang Dapitan City at mga kalapit na munisipalidad ng La Libertad, Mutia, Piñan, Polanco, Rizal, Sergio Osmeña, Sr. at Sibutad.
Nakompleto ang pagpapadala ng mga election return sa mga nasabing lugar at lumalabas na si Uy ang inihalal bilang district representative sa lahat ng munisipalidad maliban sa Dapitan City at Sergio Osmeña, Sr., na naungusan siya ng kanyang katunggaling si incumbent Rep. Romeo Jalosjos, Jr.