NAGSANIB-PUWERSA ang tatlong grupong may malapad na base sa Ilocos Region nang tumindig para suportahan ang kandidatura sa pagka-Pangulo ni Vice President Leni Robredo at nangako silang babasagin nila ang tinaguriang Solid North.
Sa isang pulong pambalitaan na ginanap sa Go Resort, Bauang La Union, ipinahayag ng Kumilos Ka Kabayan (KKK), Mayor Rodrigo Roa Duterte-Agila Region 1 at IKaw Muna Pilipinas-Region 1 Chapter ang kanilang pinagsanib na paninindigan na tuwirang suportahan ang kandidatura sa pagka-Pangulo ni VP Leni at pagtakwil sa panunumbalik ng rehimeng Marcos.
Malugod na tinanggap ni Bauang La Union Vice Mayor Henry Bacurnay, Jr., ang isinagawang aktibidad
ng Isang Mamamayan para kay Leni (IM k Leni movement) at pagkilala sa paninindigan ng naturang
grupo.
Ayon kay Vice Mayor Bacurnay, panahon na upang manindigan ang mga Filipino at maghalal ng isang matino, may kalipikasyon at mapagkakatiwalaang lider sa katauhan ni VP Robredo. Ang kailangan umano ng bayan ay isang lider na walang bahid ang paglilingkod at isang ekonomista tulad ni Robredo.
“Ngayon na ang panahon upang tumindig tayo… kailangan natin ay isang ekonomista upang maibangon ang ating bayan sa tama ng CoVid 19. Si VP Leni ang pinakakalipikado sa lahat ng kandidato sa pagka-pangulo,” pahayag ni Bacurnay.
Ayon kay Elizabeth Dy, secretary ng IM Pilipinas Region 1, dapat umanong isantabi ang pagkakaiba at magkasundo na ang lahat upang gapiin ang panunumbalik ng isang madilim na
kabanata kung mahalal si Ferdinand Marcos, Jr.
“Hindi namin pahihintulutan ang anomang tangkang pagbabalik ng mga Marcos sa kapangyarihan sa Filipinas lalo ngayon na masidhing kumikilos ang kampon ni Marcos, Jr., nang tahasang pambabaluktot sa kasaysayan na pinadadaloy nila sa social media bilang isa sa kanilang sentral na estratehiya,” ani Dy.
Hindi namin maaatim ang ganitong ‘masama at maruming’ uri ng kampanya ng pangkating Marcos kaya napapanahon ang pagkakabigkis namin at agarang isagawa ang aktibong kampanya para
ipagwagi si VP Leni bilang kasunod na Pangulo ng bansa,” dadag niya.
“Nagbigay inspirasyon sa amin ang naganap na espontanyong paglahok ng mamamayan sa bawat malawakang rally ng grupo ni VP Leni. Hindi matatawaran ang boluntaryong pagkilos ng ibat’ ibang sector, indibidwal at maging ang hanay ng mga negosyante na walang kapaguran na ikinakampanya
si VP Leni,” pahayag ni Dy.
Ayon sa grupo, nagkakaisa ang lahat sa pananaw na si VP Leni ay nagtataglay ng isang malinis, maayos at mahusay na pamamahala batay sa kanyang naisakatuparang programa na epektibong nakapaglingkod sa mamamayan lalo sa panahon ng pandemya.