TINANGGIHAN ni presidential aspirant Ferdinand Marcos, Jr., ang hamon na one-on-one debate ng katunggaling si Vice President Leni Robredo.
Sinabi ng tagapagsalita ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez, kailanman ay hindi mangyayari ang debate na hinihingi ni Robredo.
Muling nagtago ang kampo ni Bongbong sa gasgas nitong dahilan na ayaw ng debate dahil mas gusto nila ng positibong pangangampanya.
Ikinasa ni Robredo ang hamon kay Marcos dahil siya na lang ang hindi humaharap sa taongbayan sa isang debate kasama ang iba pang kandidato.
Ayon kay Robredo, magandang paraan ang debate para masuri ng mga botante ang mga kandidato at maikompara ang kanilang mga plano, programa, at pagkatao.
Nais ni Robredo, sagutin ni Marcos sa harap ng taongbayan ang mga kontrobersiyang kinasasangkutan niya at ng kanyang pamilya.
“We owe it to the people and to our country. Kung papayag po kayo, anytime, anywhere, darating ako,” ani Robredo.
Isa sa mga kinakaharap na isyu ni Marcos ay ang utang na P203 bilyon ng kanyang pamilya sa estate tax na hanggang ngayon ay ayaw nilang bayaran.
Inatasan ng Korte Suprema ang pamilya Marcos na magbayad ng P23 bilyon sa estate tax halos 25 taon na ang nakalipas. Umabot na sa P203 bilyon ang utang dahil sa interes.