MALIIT man ang pondo ng kanyang tanggapan, marami pa rin ang natulungan.
Ito ang ipinamalas na kagalingan ni Vice President Leni Robredo na kahit hindi na bahagi ng kanyang mandato ay napakarami pa rin natulungan lalo noong panahon ng pandemya.
“Gusto natin ng lider na responsable at maabilidad, ‘yung kayang mag-budget ng pera sa tahanan at pagkasyahin ang maliit na halaga para sa maghapong gastos ng pamilya.”
Ito ang pahayag ni Diwa Guinigundo, retired deputy governor ng Bangko Sentral, sa kanyang paglalarawan sa kakayahan ni Robredo na mamuno sa bansa bilang pangulo.
“She was able to maximize the Office of the Vice President’s allocation to fund an operation truly national in scope,” ani Guinigundo.
Dagdag niya, may resibo lahat na nagpapakita ng napakaraming programa sa iba’t ibang bahagi ng bansa, lalo sa maliliit na lalawigan o bayan tulad ng malayong lugar ng Ayutaya sa Palawan na minsang naging tampok ng kanyang talumpati.
Sa katunayan, dinaig ni Robredo ang ilang ahensiya na ‘di hamak na may mas malaking pondo kaysa kanyang tanggapan, at ito ang “skill set” na kailangan ng bansa na pilit bumabangon mula sa masamang epekto ng pandemya.
“Si VP Leni ‘yung leader na sasabay sa ‘yo sa bus o magmo-motor para lamang makarating sa mga lugar na kailangan ng tulong,” ayon kay Guinigundo. “Hindi ‘yung leader na magde-demand ng first class seat sa eroplano dahil hindi sanay sa economy.”
At naniniwala si Guinigundo na kayang ibangon ng Bise Presidente ang ekonomiya, “dahil siya lang ang may maayos na plataporma, lalo tungkol sa pagtulong sa maliliit na negosyo at sa paglikha ng mga trabaho.”
“One, she will inspire market confidence. She will attract investors who will be lured that an economist is at the helm,” aniya. “They will see her as both fair to labor, capital and consumers.”
Kabaligtaran umano ni Robredo ang kanyang kalabang si Ferdinand Marcos, Jr., na may utang pa sa buwis ang estate ng ama at may problema sa pagbabayad ng buwis, ayon kay Guinigundo.
“The vice president’s anti-corruption stance will assure taxpayers that what they pay will not be stolen or wasted,” aniya.
“Meron siyang seal of good housekeeping, habang ‘yung isa nasa BIR’s most wanted tax collectible.”
“Para kay Juan de la Cruz, mas panatag siyang magbayad ng tamang buwis kasi nakaseseguro na maibabalik sa kanya sa pamamagitan ng tamang serbisyo at magandang proyekto.”