HIHIGPIT ang karera sa pagkapangulo kapag pumanig ang tinatawag na ‘undecided’ na mga botante kay Vice President Leni Robredo sa darating na halalan sa Mayo, giit ng isang political analyst.
Ayon kay Froilan Calilung, nagtuturo ng political science sa University of Santo Tomas (UST), malaki ang epekto ng undecided voters sa resulta ng halalan kapag ibinoto nila si Robredo.
Una nang sinabi ng OCTA Research, nasa 20 porsiyento ng mga botanteng Filipino ang wala pang pinal na kandidato sa darating na halalan sa Mayo.
“Batay sa kanilang pag-aaral, if it is 20 percent, that is statistically significant lalo na kung malaki ang agwat ni Bongbong Marcos,” ani Calilung.
“But we could surmise na itong 20 percent na ito, if it goes in the way of VP Leni Robredo, may actually create a big effect on the voter turnout,” dagdag niya.
Sa pinakabagong Pulse Asia survey, nakakuha ng siyam na puntos na pagtaas si Robredo habang bumagsak si Marcos ng apat na puntos.
Sa hiwalay na panayam, sinabi ni OCTA Research president at UP Political Science professor Ranjit Rye maaari pang ligawan ng mga kandidato ang tinatawag na “soft votes” o iyong hindi pa nakapagdedesisyon kung sino ang iboboto.
“They are a bunch of 50-50 voters who are, you know, on the fence. If put that, those who are likely to change their votes… that’s still quite a number,” wika ni Rye.
Hinikayat ni Rye ang mga botante na huwag ibase ang kanilang pasya sa resulta ng survey at sa halip ikonsidera ang plataporma, programa at pangarap ng mga kandidato para sa bansa.
“Ang dapat basehan ‘yung program, platforms, pangarap ng mga candidates para sa ating bansa,” sabi pa ni Rye.