NAMAYAGPAG si Partido Federal ng Pilipinas (PFP) Mayoralty candidate Atty. Alex Lopez sa isinagawang ‘Manila Mayoral Candidate Poll’ ng Far Eastern Research nitong 7-14 Abril 2022.
Si Lopez ang opisyal na kandidato ng BBM-Sara tandem sa Maynila.
Nakakuha si Lopez ng 20,064 o 65.63% ng kabuuang bilang ng mga boto.
Pumangalawa kay Lopez si Honey Lacuna na nakakuha ng 18.83%. Sumunod sina Amado Bagatsing (15.33%), Elmer Jamias (0.11%) at Cristy Lim (0.11%). Mayroong 30,571 respondents ang naturang survey.
Nagsagawa rin ng isa pang hiwalay na survey ang Original Matang Manila for Charity Media (OMMCM) Est 2019, nitong 9-19 Abril 2022 na mayroong 20,000 kabuuang respondents.
Isang volunteers group ang OMMCM na nakabase sa lungsod ng Maynila.
Muli nanguna si Atty. Lopez sa OMMCM survey na nakakuha ng 56%. Samantala ang nakuhang boto ng ibang kandidatong alkalde ay Honey Lacuna, 32%; Amado Bagatsing, 7%; Cristy Lim, 4%; at Elmer Jamias, 1%.
Maging sa naunang isinagawang survey ng OMMCM kamakailan, nakakuha rin si Lopez ng 58% ng may kabuuang 1,000 bilang ng respondents, 29% si Lacuna; at undecided o ‘di pa nakapagpapasya ang 13% rito.
Nanguna si Atty. Lopez sa face-to-face survey na isinagawa ng field reporters ng pahayagang Police Files Tonite (PFT), may 37 boto, pumapangalawa si Lacuna (29), sumunod si ex-Cong. Bagatsing (19). Labing-lima (15) ang undecided. Walang pumabor kina retired General Jamias at Christy Lim, anak ni dating Mayor Fred Lim.
Isinagawa ang mga nasabing survey upang matukoy ang pulso ng masa sa lungsod ng Maynila. Hindi maipagkakaila sa mga resulta ng survey na si Atty. Alex Lopez ang mas gusto ng mga Manilenyo.
Nagpapahiwatig ito na nagsusumamo ang taongbayan upang magkaroon ng bagong pinuno ang bayan na gagabay tungo sa makataong kaunlaran.
Ang matataas na tantos na nakuha sa mga survey ni Atty. Alex, ay maaaring resulta ng patuloy na paglaganap ng kanyang katanyagan dala ng mga isinusulong na adhikain para sa mga Manilenyo.
Mabilis na tinutugunan ni Atty. Alex ang mga hinaing ng mga maralitang mamamayan hanggang sa pangunguna ng pagsasampa ng petisyon para sa agarang pagpapalabas ng food packs at social amelioration ng mga senior citizens.
Mas nakilala ng mga tao si Atty. Alex dahil sa kanyang patuloy na pagbaba sa mga komunidad ng Maynila.
Kamakailan, umangat din nang husto si Atty. Lopez sa mga ginanap na forum ng De La Salle University, Federation of Filipino-Chambers of Commerce & Commerce & Industry, Inc (FFCCCII) at isang media club.
Mahalaga ang mga survey at debate upang matantiya ang posibleng resulta ng botohan ng kandidato sa darating na halalan ngayong 9 Mayo.
Makikita ang kabuuang resulta ng Manila Mayoral Candidate Poll sa https://fareasternresearch.com/en/poll/NQ==?fbclid=IwAR1saBsnPHkAgwg4dUI2qWPqEXlHkR4w1MdSn8azcjsvH8-BwRAXZn-DuJo o sa Official Facebook Page ng Far Eastern Research.