KAMPANTE ang political leaders ng Mindanao na iboboto si Vice President Leni Robredo ng mga Moro ngayong darating na halalan.
“Noong nag-umpisa pa lang tayo rito sa Mindanao sa pangangampanya, parang iilan lang kami na naging open sa pagsuporta kay VP Leni. Pero ngayon, ang daming dumagdag,” pahayag ni Congressman Mujiv Hataman ng Basilan.
Binanggit ng kongresista, ang pahayag ng suporta nina former Speaker Pantaleon Alvarez, congressmen Rufus Rodriguez, Lawrence “Law” Fortun, at Zamboanga City Mayor Beng Climaco.
Sabi ni Hataman sa TAPATan Forum nitong nakalipas na Huwebes, nagpahayag si Alvarez na pipilitin niyang “manalo kami sa buong Davao region.”
“Kaya ako very confident sa mga darating na panahon, marami pa rin ang pupunta at pupunta kay VP Leni,” dagdag ni Hataman.
Aniya, ngayon lang siya nakakita na may professionals at kabataan na nag-volunteer magbahay-bahay. “Never ‘yan nangyari sa history ng politics sa Basilan,” dagdag ng kongresista.
Ayon kay Macabangkit Lanto, dating ambassador sa Egypt, “Kahit gusto ko iboto ang taga-Mindanao, nangingibabaw pa rin ang ‘love for the country.’”
“We have the momentum, tuloy-tuloy na ‘to. Kampante kami na talagang mananalo rito si VP Leni, [lalo na] mas aktibo na ngayon ang volunteer group namin sa social media.”
Umaasa si Lanto na mas darami pa ang mga lider na lantarang susuporta kay Robredo sa Mindanao.
“May mga nakausap ako na mga lider dito sa [rehiyon] na tahimik lang sila pero VP Leni sila. So I won’t be surprised kapag lumabas sila in the next few weeks,” aniya.
Dagdag ni Lanto, nangangamba ang mga Moro na kung hindi si Robredo ang mananalo “i-dismantle” ng ibang kandidato ang Bangsamoro.
Ayon kay Hataman, kailangang “track record” ang pagbatayan ng mga tao sa pagboto.
“At the end of the day, titingnan mo ang track record at plataporma. Kung pareho ang plataporma nila, titingnan mo if kilala mo ba? Nasubukan mo na ba?” dagdag ng kongresista.
Aniya, si Robredo pa rin ang “the best” kahit may ibang kandidato na galing sa Mindanao.
“Kaming mga Muslim, importante sa amin ang usapin ng ‘peace and security’ sa Bangsamoro region,” aniya.
“Tested ko na si VP Leni, hindi pabago-bago ang desisyon niya pagdating sa kapayapaan. Mula noong kongresista siya, talagang champion na siya sa kapayapaan.”
Aniya, ang “surge” ni Robredo sa pinakabagong survey ay ‘di pa kasama ang pagbaliktad ng maraming partido na gustong sumama sa Rodredo-Pangilinan team.
“Confident ako na mahahabol ang lamang ni Bongbong sa Mindanao kasi willing ang volunteers na mag house-to-house,” sabi ni Hataman.