HALOS lahat ng kandidato ng lokal na partidong Serbisyo sa Bayan Party ni Quezon City Mayor Josefina “Joy” Belmonte ang iboboto ng mga residente ng lungsod.
Ito ang naitala sa huling pag-aaral o ‘independent at non-commissioned survey’ na ginawa ng RP Mission and Development Incorporated (RPMD), lumalabas na si Mayor Joy Belmonte pa rin ang napupusuang maging punong-lungsod ng mga botante.
“Unbeatable” pa rin ang record na ipinakita ni Belmonte na nakapagtala ng 67 percent ng respondents o mga tinanong sa survey, ay pabor pa rin maging alkalde si Mayor Joy.
Kompara ito sa patuloy na pagdausdos ng rating ng kanyang katunggaling si dating Anakalusugan Partylist Representative Mike Defensor, nakakuha ng 25 percent lamang.
Mahigpit man ang laban sa pagka-Vice Mayor, nakauungos pa rin ang anak ni vice presidential aspirant Senate President Tito Sotto, na si incumbent at reelectionists Gian Sotto, na nakapagtala ng 51 percent kompara sa 48 percent ni dating konsehal Winnie Castelo.
Si Arjo Atayde, isang celebrity na tumatakbo para sa congressional seat sa District 1, ay may 58 percent vote lead kay Cong. Onyx Crisologo, na nakatanggap ng 40 porsiyento.
Mahigpit ang labanan sa District 2 nina Cong. Precious Castelo na nakakuha ng 47 percent laban kay Ralph Tulfo na may ng 50 percent para sa puwesto sa kongreso.
Tumaas “significantly” ang suporta ni City Councilor Franz Pumaren mula 44 percent na ngayon 47 percent na, at humahabol kay incumbent Congressman Allan Reyes na may 52 percent na lamang mula sa 55, para sa District 3.
Nanatiling balwarte ni Congressman Bong Suntay ang District 4, may 64 percent score laban sa challenger na si Marvin Rillo na nakakuha ng 35 percent.
Nangunguna si City Councilor Patrick Michael (PM) Vargas na tumatakbong Congressman sa District 5, may 69 percent, laban sa Pharmally linked scandal na si Rose Nono Lin na nakatanggap lamang ng 28 percent at kay dating Congresswoman Annie Susano na nakakuha lamang ng one percent rate.
Pinataob ni City Councilor Marivic Co-Pilar na may 76 percent si dating District 1 Congressman Bingbong Crisologo na tinalo ni Mayor Belmonte sa nakaraang eleksiyon at ngayon ay tumakbo sa pagka-Congressman na nakakuha lamang ng 22 percent.
Ayon kay Dr. Paul Martinez ng RPMD, ang huling survey na tinatawag nilang “QC Boses ng Bayan: Halalan 2022” ay ginanap a pagitan ng April 1 at April 6, 2022. Ito ay may kabuuang bilang ng mga rehistradong botante na 5,500.
Ang mga respondents aniya, ay random na pinili at tinanong, “Kung ang halalan ay gaganapin ngayon, sino ang iboboto mong Mayor/Vice Mayor/Congressman?”