Hinimok ni Antique representative at kandidata sa pagka-Senador na si Loren Legarda ang mga kapwa niyang kandidato na ilahad ang kanilang mga plano at palataporma para sa pambasang seguridad at kaligtasan.
“Ang mga planing ito ay mahalaga upang makamit natin ang ligtas na pagbangon ng mga mamamayan at ng bansa,” sabi ni Legarda sa inagurasyon ng Office of the Dean, Corps of Professors (ODCOP) sa Kampo Heneral Emilio Aguinaldo, Quezon City, kung saan siya ay panauhing pandangal.
Doon isinaad ni Legarda ang kahalagahan ng pambasang sandatahan at ang kanilang bahagi sa muling pagbangon mula sa pandemya.
“Ang Pilipinas ngayun ay nasa bungad ng pagbangon mula sa mga pinsalang dinulot ng pandemya. Kaya naman matinding hamon din ang kailangang harapin ng ating burukrasya at sandatahan,” sabi ni Legarda. “Ito ang panahon na dapat tayong lahat ay maga-igting ng ating nalalaman at matutunan tungkol sa seguridad upang makamit natin ang nais nating kapayapaan,” dagdag niya.
Bilang isang babaeng sumusuporta at tumataguyod sa edukasyon, ang dagdag kaalaman sa seguridad at pagtatanggol sa bansa ay magiging kanyang prayoridad. Pinuri din niya ang gilas ng Corps of Professors.
“Madami tayong mahuhusay na sundalo dito sa Corps, at tungkulin natin lalong palawakin pa ang kanilang kaalaman sa mga lokal na proseso at samahan ito ng global development sa pamamagintan ng mga oportunidad na mahasa pa ang kanilang mga talento,” sabi ni Legarda.
Idinagdag ni Legarda na kinabukasan ng mga lider na tagapagtanggol ay nasa kamay ng 81 na miyembro ng Corps of Professors.
“Kailangang makamit ng mga miyembro ng Corps ang balanse sa pagitan ng husay sa akademya habang hinihikayat ang ating mga sundalo na maging mapagmalasakit at makatao.”