NAGMISTULANG memory lane ang nangyaring interbyu nina Ciara Sotto at Iwa Moto kina presidential bet Ping Lacson at running mate niyang si Tito Sotto.
Refreshing pa ito bilang pambalanse sa mga nag-aaway-away sa politika.
Ipinakita sa Youtube interview ang mga lumang litrato nina Sen Lacson at Senate President Sotto.
Hindi nga napigilang matawa ni Ciara nang ipakita ang picture ng kanyang daddy Tito noong 1977 na payat at balbas-sarado na bukas pa ang polo.
Kuwento ni Tito Sen, nagpo-produce na siya ng musika nang panahong iyon. Nagbiro rin siya na hindi niya isinara ang polo niya para ipakita ang kuwintas na regalo ng kanyang one and only wife na si Helen Gamboa.
Naging mahaba naman ang kuwentuhan sa lumang larawan ni Lacson na may katabi siyang bata na kuha noong 1989. Kuwento ng senador, bagong assign siya noon sa Cebu bilang opisyal ng PNP at ang batang katabi niya ay sinagip niya mula sa mga kidnapper.
Ayon kay Lacson, hindi pa siya nag-aayos nang mga gamit ay kumilos na kaagad siya para masagip ang bata na apat o limang araw nang nawawala.
“Sabi ko ‘pag ito pumalpak uuwi na ko ng Manila. Wala akong mukhang ihaharap dito, baka sabihin ako pa nagdala ng malas dito sa Cebu,” lahad ni Lacson.
Ipinagmalaki naman ni Iwa na hindi tinatanggap ng kanyang biyenan ang mga pabuyang ibinibigay ng mga magulang ng mga nasasagip ni Lacson.
Dinugtungan pa ni Tito Sen ang usapan dahil nang magpunta raw sila ni Lacson sa Negros Oriental kamakailan, pinuntahan sila ng naturang bata na sinagip ni Lacson upang muling magpasalamat sa pagliligtas sa kanya.
“Mama [malaki] na siya,” sabi ni Tito Sen sa bata na limang taon gulang noon nang masagip ni Lacson at ngayon ay nasa late 30’s.
Napag-usapan din ang pagkakaroon nina Ping at Sotto ng bulaklaking polo na ani Lacson, checkered na ang isinusuot niya ngayon bilang simbulo ng hard work.
Pagdating naman sa basketball, walang pag-aawayan sina Lacson at Sotto dahil magkapareho ang paborito nilang NBA players, ito ay sina Lebron James at Michael Jordan. Idagdag pa ng namayapang si Kobe Bryant para kay Tito Sen.