INIHAIN sa pangunahing tanggapan ng Sugar Regulatory Administration (SRA) sa lungsod ng Quezon ang temporary restraining order (TRO) na nagpapatigil sa importasyon ng 200,000 metriko toneladang asukal papasok ng bansa nitong Martes, 15 Pebrero.
Ayon kay Executive Judge Reginald Fuentebella ng Sagay City Regional Trial Court Branch 73 ng Negros Occidental, magiging epektibo ang TRO sa loob ng 20 araw samantala gaganapin ang pagdinig ng writ of preliminary injunction sa 24 Pebrero sa pamamagitan ng video conference.
Aniya, inilabas ang TRO upang mapreserba ang status quo hanggang sa pagdinig ng aplikasyon para sa for preliminary injunction.
Naunang nagsampa ang Rural Sugar Planter’s Association Inc. (RSPAI) na kinakatawan ng kanilang pangulong si Joseph Edgar “GJ” Sarrosa laban sa SRA na kinakatawan ni Administrator Hermenegildo Serafica, upang pigilan ang importasyon ng asukal.
Ang RSPAI ay isang member association ng United Sugar Producers Federation (UNIFED).
Pahayag ni Sarrosa, direktor din ng UNIFED, ang pagpayag ng SRA sa importasyon ng 200,000 metriko toneladang asukal simula sa Marso ay magdudulot ng pinsala sa industriya ng asukal na lubhang naapektohan ng bagyong Odette.
Aniya, walang basehan ang Sugar Order No. 3, mismong si Serafica ay sinabing walang dahilan ang pagtataas ng presyo ng asukal dahil mayroong sapat na supply sa kabila ng pananalasa ng bagyo noong Disyembre 2021.
Maaaring bumaba ang presyo ng asukal hanggang P250 kada sako kung papayagan ang importasyon.
Bukod dito, dumaraing na rin ang mga sugar farmers dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pataba at gasoline.
Dagdag ni Sarrosa, higit 90 porsiyento ng mag-aasukal ay pawang agrarian reform beneficiaries at hindi mga haciendero.
Pagdidiin din niya, hindi sila kumokontra sa importasyon ng asukal, ngunit nilalayon nilang huwag itong ipatupad sa panahon ng kanilang pag-ani at narararapat na magkaroon muna ng konsultasyon sa lahat ng mga stakeholder ng industriya.