TINATAYANG hindi bababa sa 416,988 katao o 105,702 pamilya ang naging biktima ng pananalasa ng bagyong Odette sa rehiyon ng Western Visayas, ayon sa datos na inilabas ng Western Visayas Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (Western Visayas RDRRMC).
Nabatid ng Western Visayas RDRRMC sa pamumuno ng Office of Civil Defense (OCD-6), 1,377 barangays sa mga lalawigan ng Aklan, Antique, Capiz, Guimaras, Iloilo, at Negros Occidental, kabilang ang mga highly urbanized na lungsod ng Iloilo at Bacolod ang apektado ng nagdaang bagyo.
Sa dinanas na pananalasa ng bagyo sa Negros Occidental, tinatayang nasa 147,017 katao ang naapektohan ng malawakang pagbaha; 96,501 katao sa Capiz; 80,354 katao sa Iloilo; 46,554 katao sa Antique; 42,366 katao sa Aklan; at 4,196 katao sa Guimaras.
Ayon sa pinakahuling datos, hindi bababa sa 3,700 mga bahay sa Western Visayas ang napinsala ng bagyong Odette.
Kabilang dito ang 3,543 bahagyang napinsala at 160 tuluyang nasirang mga bahay.
Inaasahan ang pagtaas ng bilang sa pagdating ng ulat mula sa lalawigan ng Negros Occidental na hinihintay ng Western Visayas RDRRMC.