ISINUSULONG ni Senador Win Gatchalian na mapunan ang kakulangan sa pondo ng Senior High School Voucher Program (SHS-VP) upang maiwasan ang paglobo ng utang ng pamahalaan sa mga pribadong paaralan.
Ang SHS-VP ay isang programang nagbibigay ng tulong pinansiyal sa mga kalipikadong mag-aaral mula sa mga pribadong paaralan o non-DepEd na pampublikong senior high schools.
Ipinamamahagi ang naturang tulong pinansiyal sa pamamagitan ng vouchers.
“Magandang paraan ang voucher program upang matulungan ang mga pribadong paaralan lalo na’t marami sa kanila ang pinadapa ng pandemya. Ang kakulangan sa pondo ng SHS VP ay magdudulot ng mas mababang bilang ng benepisaryo para sa programa,” ani Gatchalian.
Bagama’t nagpanukala ang Department of Education (DepEd) ng P25 bilyong pondo para sa SHS-VP sa taon 2022, P16.5 bilyon lamang o mas mababa ng halos P9 bilyon ang inilaan ng National Expenditure Program (NEP) sa naturang programa.
Sa ilalim ng committee report ng Senado sa panukalang 2022 budget, P5 bilyon ang idinagdag sa SHS VP sa ilalim ng unprogrammed appropriations.
Mahigit P25 bilyon (P25.2-B) ang inilaan sa SHS-VP ngayong 2021, P11.5 bilyon dito ay nasa ilalim ng unprogrammed appropriations ngunit P3.7 bilyon pa lamang ang pinondohan.
Nagbabala si Gatchalian, kung patuloy na magkakaroon ng kakulangan sa pondo ng SHS-VP, patuloy na lolobo ang utang ng DepEd sa mga pribadong paaralan.
Sa kasalukuyan, may utang na P35 bilyon ang DepEd sa mga pribadong paaralan sa ilalim ng SHS-VP.
“Nababahala ako sa Senior High School Voucher Program sa susunod na taon dahil kung hindi natin mapopondohan ang kulang na P9 bilyon at ang unprogrammed funds, patuloy na tataas kada taon ang utang natin sa mga pribadong paaralan at hindi ito matatapos,” ani Gatchalian.
“Kung patuloy tayong magkakaroon ng kakulangan, madaragdagan nang madaragdagan ang utang natin at darating ang panahon hindi na tayo makahahabol,” dagdag na pahayag ng senador.
Upang matugunan ang kakulangan sa SHS-VP, ipinanukala ni Gatchalian na ilaan ang bahagi ng P15 bilyong nakalaan sa Flexible Learning Options (FLOs).
Samantala, inaasahan ni Gatchalian na makababalik sa face-to-face classes ang maraming mga paaralan sa susunod na taon at hindi na kakailanganin ang maraming modules. (NIÑO ACLAN)