BINAWIAN ng buhay ang lider ng isang fraternity nang tambangan ng mga hindi kilalang suspek na sakay ng motorsiklo sa Brgy. Calamba, lungsod ng Cebu, nitong Biyernes ng hapon, 8 Oktubre.
Kinilala ang biktimang si Richard Buscaino, pangulo ng Alpha Kappa Rho (AKRHO) fraternity sa Central Visayas, na agad namatay sanhi ng apat na tama ng bala ng abril sa kanyang katawan.
Ayon kay P/SSgt. Vincent Gonzalve ng Sawang Calero Police Station, nagmamaneho si Buscaino patungong Brgy. Labangon nang pagbabarilin ng mga suspek na may suot na full-face helmet saka mabilis na tumakas.
Ayon sa pulisya, nakatanggap ang lider ng AKHRO ng mga pagbabanta sa kanyang buhay bago ang pananambang.
Noong 2018, nakaligtas si Buscaino mula sa tangkang pagpatay sa kanya.
Samantala, narekober ng pulisya ang anim na basyo ng bala ng hindi pa natutukoy na kalibre ng baril sa pinangyarihan ng krimen.
Ipinag-utos ni PNP chief P/Gen. Guillermo Eleazar nitong Linggo, 10 Oktubre, sa police regional police na magsagawa ng malalimang imbestigasyon upang malutas ang pamamaslang kay Buscaino.
Gayondin, nananawagan ang pinuno ng pambansang pulisya sa mga mga nakasaksi sa insidente o kaya ay may hawak na impormasyon sa pangyayari na makipagtulungan sa mga awtoridad para sa agarang ikalulutas ng kaso at ikadarakip ng mga suspek.