NANANAWAGAN si dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa pamahalaan na hulihin at magkaroon ng kampanya laban sa mga nagsasamantala at nagbebenta ng mahal na CoVid-19 drug na Tocilizumab.
“Dapat lang na hulihin ang mga taong nagagawa pang magsamantala sa kapwa sa panahong ito na may pandemya. Mga taong walang konsensiya at baluktot ang pag-iisip lang ang nakagagawa ng ganito,” ayon sa pahayag ni Marcos.
Matatandaan, ang presyo ng Tocilizumab, isang gamot para sa mga may severe case ng CoVid-19 ay tumaas o dumoble nitong nakaraang linggo dahil sa pagdami ng nangangailangan nito sa patuloy na pagtaas ng kaso na tinatamaan ng nasabing virus.
Sa buy-bust operation na isinagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) kamakailan, nabunyag na ibinebenta ng sindikato ang naturang gamot sa halagang P97,000 o apat na beses na mas mataas sa presyo nitong P20,581.
“Ang unang dapat gawin ay bumuo ng isang special task force na binubuo ng mga representatives mula sa PNP, NBI, DTI at DOH upang matutukan ang pagtugis sa profiteers,” ani Marcos.
Dagdag ni Marcos, dapat masulosyonan ang kakulangan ng supply ng Tocilizumab sa bansa.
“Ang puno’t dulo nito ay ang shortage sa supply ng Tocilizumab. Kung mareresolba ito, agad maiiwasan nating mapunta sa desperadong sitwasyon ang mga pasyente at ang kanilang pamilya na napipilitang bilhin ang ubod ng mahal na gamot na ito,” dagdag ng dating senador.
Ayon sa batas, ang sino mang mapapatunayan na pinagkakakitaan ang pagbebenta ng gamot ay posibleng pagmultahin ng P5,000 hanggangP1 milyon o kaya ay pagkakulong ng isa hanggang 10 taon, depende sa desisyon ng korte. (30)