HATAWAN
ni Ed de Leon
NAG-REACT si Janus del Prado sa ginawang paghingi ng sorry ni Gerald Anderson doon sa internet show ni Boy Abunda at nagsabing sana ay mapatawad na siya ni Bea Alonzo. Dinugtungan iyon ni Gerald na, “sana maka-move on na lahat.”
Ang punto lang naman ni Janus, kung talagang sincere ang paghingi ng apology ni Gerald, hindi dapat ginawa in public. Dapat nag-effort siya na makausap si Bea at humingi ng dispensa ng personal. Paano mo nga naman masasabing sincere ang ganoong apology na parang ginawa lang naman for publicity?
Initially ang reaksiyon namin doon nang mapanood sa video na ipinadala sa amin, dahil hindi naman kami nanonood ng mga program sa internet eh, mukhang ginawa lang ni Gerald para kahit na paano ay mabawasan ang masamang impact ng mga pangyayari sa kanilang dalawa ni Julia Barretto. Mukhang hindi umepekto ang kanilang damage control eh. Kasi ang una nilang ginawa, para mapasinungalingan ang “ghosting,” itinago nila ang kanilang relasyon. Pagkatapos nang mahigit isang taon, napilitan din silang aminin dahil ang dami namang nakakakita sa kanila. Lumabas na isang taon ding mahigit na binola nila ang mga tao. Pinagmulan iyan ng malaking eskandalo. Kung natatandaan ninyo ang dalawang tiyahin ni Julia na sina Gretchen at Claudine ay nagpahayag ng simpatiya kay Bea. Kung natatandaan din ninyo, iyon ang naging mitsa ng lahat kaya nagka-umbagan pa sa mismong burol ng tatay nila at sa harap pa ni Presidente Digong. Nasundan pa kinabukasan ng isa pang umbagan na naging dahilan naman para isugod pa sa ospital si Claudine, na nagkaroon ng dislocation sa kanyang braso.
Iyong simpleng issue na iyan, lumaki nang husto at wala silang inamin doon. Tapos ngayon nga naman hihingi ng sorry at sasabihing tutal naka-move on na rin naman ang lahat?
Iyon ang medyo pinuna ni Janus, na dinugtungan pa niyang magkakaroon daw yata ng bagong show kaya naglilinis ng image. Para sa kanya, mukhang hindi sincere ang apology. Si Janus ay malapit na kaibigan ni Bea at natural doon siya kakampi.