Duterte-Duterte tandem sa 2022 delikado sa PH (Kasiraan sa international community)
HATAW News Team
LEGAL mang maituturing, sakaling tumakbo bilang pangulo at pangalawang pangulo ang mag-amang Pangulong Rodrigo at Sara Duterte, dahil walang restriksiyon nito sa ilalim ng Saligang Batas, ngunit posibleng magresulta ito ng panganib at kasiraan sa bansa, at iyon din ang magdadala ng negatibong impresyon sa international community, ayon sa isang political analyst.
Sinabi ng batikang political analyst na si University of the Philippines (UP) professor Ramon Casiple, tiyak na pagpipiyestahan sa buong mundo ang Filipinas kapag nangyari ang Duterte-Duterte tandem.
Malinaw, aniya, isa itong pagpapairal ng ‘monarchy’ na hindi pa nangyari sa isang demokratikong bansa sa buong mundo.
“Isang ploy man o hindiang pagpapalutang nito, para sa aking pananaw ay hindi dapat ituloy ang tandem na ganito na mag-ama ang hahawak ng pinakamataas na posisyon sa gobyerno. Hindi ko sinasabi na bawal ito kundi dahil hindi ito kanais-nais at taliwas sa kultura ng mga Filipino at maging sa buong mundo,” paliwanag ni Casiple.
Aniya, ang naging katanggap-tanggap sa mga nakaraang eleksiyon ay “one after the other” na pagkapangulo gaya ng nangyari sa kaso nina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at yumaong Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III, na sinundan ang yapak ng kanilang mga magulang pero hindi ang magkasabay gaya ng planong Duterte-Duterte sa May 2022.
Inihalimbawa ni Casiple ang kaso ng nepotismo sa mga opisina na ipinagbabawal dahil sa kakaibang impluwensiyang maibibigay ng kamag-anak at lalo na umanong magiging kontrobesiyal kung ipipilit ni Pangulong Duterte na sabayan ang pagtakbo ng kanyang anak sa darating na eleksiyon.
“May danger ‘yan, magiging iba na ang tingin sa atin ng ibang bansa dahil ‘monarchy’ na ang iiral sa Filipinas. ‘Yung highest power ay kontrolado na ng iisang pamilya,” dagdag ng professor.
Samantala kombinsido si Casiple na tatakbo sa presidential race si Davao City Mayor Sara Duterte.
Aniya hindi man kompirmahin ng alkalde ang kanyang plano sa 2022 elections, ay ito ang kanyang ipinahihiwatig sa pag-iikot sa mga lalawigan.
Aniya, noon pang nakaraang taon, malinaw ang aksiyon ni Mayor Sara na may plano siya sa 2022 elections at ang kanyang pag-iikot ay simula ng kanyang pagpapakilala.
Matatandaan, una nang inilinaw ng kampo ni Mayor Sara — ang Hugpong ng Pagbabago, hindi pamomolitika ang ginagawang konsultasyon sa iba ibang partido at politiko.
Pero hindi ito kinagat ng kanilang mga kritiko, isa rito ang ACT Teachers Partylist na nagsabing “action speaks louder than words” at inakusahan ang alkalde na guilty sa napakaagang pangangampanya.
Ang pag-iikot ni Mayor Sara ay pinuna sa harap ng patuloy na paglobo ng CoVid-19 cases sa Davao, gaya ng isinasaad sa pinakahuling datos ng OCTA Research at Department of Health (DOH), may petsang 17 Hulyo ay nakakapagtala pa rin ng 225 kaso kada araw sa Davao City habang umabot sa 96% ang hospital intensive care unit utilization rate.
Ang Davao City ang may pinakamataas na CoVid-19 cases kung ihahambing sa malalaking siyudad sa bansa at mas mataas pa ito kaysa Quezon City (116), Cebu (98), Iloilo (88), Bacolod (87, Maynila (86) at Makati (63).