5 presidential wannabes, ‘options’ ni Digong sa 2022
LIMANG politiko na kinabibilangan ng tatlong senador at dalawang alkaldeng may ambisyong pumalit sa kanya sa Malacañang sa 2022 ang pinagpipilian ni Pangulong Rodrigo Duterte para maka-tandem sa 2022 elections kapag nagpasya na siyang kumandidato bilang bise-presidente .
Inianunsyo ni Presidential Spokesman Harry Roque sa virtual Palace press briefing kahapon ang pangalan ng limang puwedeng tumakbo sa pagkapangulo na pinagpipilian ni Pangulong Duterte na papalit sa kanya sa puwesto at kabilang sa kanila’y sina Davao City Mayor Sara Duterte, Sen. Manny Pacquiao, dating Sen. Bongbong Marcos, Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, at Sen. Bong Go.
“A, alam ninyo ho talagang noong kinausap ko siya diyan e wala pa po siyang desisyon. Mayroon lang options talaga siyang sinabi ‘no at as of now, siguro nakatutok pa rin ang Presidente po rito sa pandemya, sa bakuna. Dahil pagka — ang importante naman ay mabakunahan ang pinakamarami nating mga kababayan nang sa ganoon ay magkaroon po talaga tayo ng eleksiyon kung saan ang mga tao at ang mga kandidato ay magkakaroon ng pagkakataon na magkaroon ng panayam at makaboto ng mga pinakamabuting kandidato ang ating electorate,” sabi ni Roque.
“Well, let’s just say that madaming options na nabanggit ang Presidente and I will just repeat it ‘no. Ang mga options na pupuwedeng tumakbo includes also Mayor Sara Duterte, it includes Senator Manny Pacquiao, it includes former Senator Bongbong Marcos, it includes even Manila Mayor Isko Moreno ‘no – iyon ‘yung mga naririnig ko – and it includes also Senator Bong Go,” dagdag niya.
Inihayag ni Albay Rep. Joey Salceda kamakalawa na kinompirma sa kanya ni Sara ang paglahok sa 2022 presidential derby.
Ngunit isinantabi ng kongresista ang posibilidad na Duterte-Duterte tandem o ang tambalan ng mag-ama dahil dapat aniyang maging maingat ang alkalde sa makatatambal sa eleksiyon upang magkaroon ng “geographical balance.”
Inamin ni Salceda na isinusulong ng kampo ni Sara ang political alliances sa ibang partido upang isakatuparan ang presidential bid.
Tikom ang bibig ni Energy Secretary at PDP-Laban vice chairman Alfonso Cusi sa pagkompirma ni Salceda sa presidential bid ni Sara at isa ang kanilang partido sa sumusuporta sa plano ng alkalde.
“Sa akin po, kuwan naman iyan e, wala naman pong problema, iyong sa pahayag ni Cong. Joey. Iyon naman pong sa PDP na resolution ng miyembro na nanghihikayat, really urging the President to run for vice president, iyon po ay ‘kuwa’n ng national councils, mga members po ng PDP. At ang sinasabi nga po, bahala na si Pangulo… ang pumili ng kaniyang magiging ka-tandem. So that is really up for the President to choose,” aniya.
Sa isyu kung uubra ang Duterte-Duterte tandem sa 2022, iwas-pusoy si Cusi.
“Kaya nga sabi ko nga po kahapon kay Cong. Joey, e baka mamaya ikaw pa ang piliin ni Pangulo e ‘di ba. So pero ngayon naman, kung sasabihin natin na iyong Duterte-Duterte, that is something that we need to really study. We cannot answer whether it’s good or not good at the moment. What we need to do is find out who can really… iyon bang makatutulong, makapagsusulong sa pag-asenso ng ating mga mamamayan at ng ating bayan. Iyon ang importante,” paliwanag niya.