4 mangingisda missing sa Capiz (Sa hagupit ng bagyong Dante)
NAWAWALA ang apat na mangingisdang pumalaot sa dagat na bahagi ng bayan ng Pilar, lalawigan ng Capiz matapos tumaob ang sinasakyan nilang bangka dahil sa hagupit ng bagyong Dante.
Sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD-6) ng Western Visayas na inilabas nitong Miyerkoles, 2 Hunyo, pumalaot ang apat na mangingisda sa kabila ng pagtaas ng Storm Signal No. 2 sa lalawigan.
Iniulat din ng OCD-6 na binaha ang mga bayan ng President Roxas, Pilar, Sigma, at Dumarao dahil kay ‘Dante,’ at may mga pamilyang inilikas na.
Samantala nakatanggap ng mga ulat ang Iloilo Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (Iloilo PDRRMC) na binaha ang ilang bahagi ng mga bayan ng Balasan, Batad at Carles.
Ayon kay Iloilo PDRRMC Chief Jerry Bionat, sanhi ng pagbaha ang hindi tumitigil na pag-ulan mula noong Martes, 1 Hunyo, kaya isinailalim ng PAGASA ang hilagang bahagi ng lalawigan ng Iloilo sa Storm Signal No. 2.
Iniulat ng pamahalaang bayan ng Balasan na halos 50 pamilya ang inilikas at kasalukuyang nanatili sa evacuation area, habang 200 katao ang inilikas sa bayan ng Batad.