11 suspek nalambat ng PDEA3 (2 drug den sa Angeles City sinalakay)
NALAMBAT ang 11 indibidwal na hinihinalang pawang sangkot sa pagbebenta ng ilegal na droga at pagmamantina ng drug den sa serye ng pagsalakay sa dalawang drug den nitong Martes ng gabi, 11 Mayo, ng mga kagawad ng PDEA3 sa pakikipag-ugnayan sa Angeles City PNP, sa Brgy. Balibago, lungsod ng Angeles, lalawigan ng Pampanga.
Kinilala ni PDEA3 Director Christian Frivaldo ang mga suspek na nalambat sa unang operasyon na sina Reynan Ombal, 21 anyos; Adonis Gregorio,21 anyos; Catherine Valdivia, 39 anyos; Patricia Samper, 25 anyos; at Raymund Del Rosario, kapwa mga residente sa nabanggit na lugar.
Nakompiska mula sa mga suspek ang 15 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P102,000; 20 gramo ng pinatuyong dahon ng hinihinalang marijuana na nagkakalahalaga ng P24,000; iba’t ibang drug paraphernalia, at marked money na ginamit sa operasyon.
Samantala, dinakma sa ikalawang pagsalakay ng mga operatiba sina Jose Howell, 45 anyos; Edwin Gozon, 31 anyos; Danica Jardinel, 23 anyos; August Natividad, 33 anyos; Richard Lampaniso, 24 anyos; at Lito Gonda, 21 anyos.
Nakuha ng mga awtoridad sa mga suspek ang 20 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P136,000, iba’t ibang drug paraphernalia, at marked money na ipinain sa mga suspek.
Inihahanda na ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga nakapiit na mga suspek. (RAUL SUSCANO)