PATAY ang isang barangay chairman nang tambangan ang kanyang sinasakyan pauwi sa kanilang bahay sa Brgy. Remebella, bayan ng Buguey, lalawigan ng Cagayan, nitong Sabado ng hapon, 8 Mayo.
Kinilala ni P/SMSgt. Arnel Tamanu, imbestigador, ang biktimang si Renante Ritarita, 46 anyos, negosyante at barangay chairman ng Brgy. Fula, sa nabanggit na bayan.
Sa imbestigasyon, pauwi sa kanilang bahay ang biktima sakay ng kanyang mini-dump truck dakong hapon matapos maghatid ng lupang panambak sa isang Cesar Dumlao, nang harangin at pagbabarilin ng dalawang hindi kilalang lalaking nakasuot ng facemask.
Agad binawian ng buhay ang biktima dahil sa mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan, habang tumakas ang mga suspek patungo sa national highway sakay ng kulay abong Toyota Fortuner, walang plaka.
Nakuha mula sa pinangyarihan ng krimen ang 16 basyo ng bala ng M16 rifle.
Patuloy ang pagtugis ng pulisya sa mga suspek na pinaniniwalaang mga miyembro ng gun-for-hire group na sangkot din sa ilegal na droga.
Inalerto na rin ang mga kalapit na himpilan ng pulisya upang magsagawa ng checkpoint para sa agarang pagkakadakip sa mga suspek.
Tintingnang posibleng motibo sa pamamaslang ang matagal ng alitan sa lupa.