Proteksiyon sa media hinikayat ni Duterte (Sa World Press Freedom Day)
DAPAT protektahan ang media laban sa lahat ng uri ng pagbabanta at pananakot upang magampanan nang husto ang paglilingkod sa interes ng publiko.
Panawagan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdiriwang kahapon ng World Press Freedom Day.
Ang naturang okasyon aniya ay nagpapaalala sa mahalagang papel ng isang malaya at responsableng pamamahayag sa pag-unlad ng lipunan.
“This year’s theme affirms the nature of news and information as a public good that must be utilized effectively to achieve their intended benefits,” aniya sa isang kalatas.
Umaasa ang Pangulo na patuloy na gagamitin ang kapangyarihan ng komunikasyon sa nation-building at tiyakin ang integridad at kaligtasan ng pamamahayag.
“Together, let us nurture a better informed citizenry and realize a brighter future for everyone,” dagdag ng Pangulo.
Iniulat kamakailan ng Reporters Without Borders ang pagbaba ng ranking ng Filipinas sa World Press Freedom Index sa ika-138 mula sa dating ika-136 noong 2020.
Naging pamoso si Pangulong Duterte sa pagbira sa ilang media entity na kritikal sa kanyang administrasyon gaya ng Rappler na inakusahang lumabag sa foreign owner provision sa 1987 Constitution at ang ABS-CBN na hindi pinagkalooban ng panibagong prankisa ng Kongreso.