TIKOM ang bibig ni Communications Secretary Martin Andanar sa lumalalang sitwasyon ng coronavirus disease (CoVid-19) sa hanay ng mga empleyado sa government-run People’s Television Network (PTV).
Pansamantalang nawala sa ere kahapon ang PTV bunsod nang isasagawa umanong disinfection sa buong gusali at pasilidad nito.
Nabatid sa source na mahigit 30 ang aktibong kaso ng CoVid-19 sa PTV ngunit ang iniulat ng management sa tanggapan ni Andanar ay 23 lamang.
Napag-alaman, maging ang mga miyembro ng pamilya ng ilang CoVid-19 positive na empleyado ay nahawa dahil umuwi sa kanilang mga bahay ang mga kawani matapos ma-expose sa mga kasamahan na naunang nagpositibo sa virus.
Imbes ihatid sa quarantine facility habang hinihintay na sumailalim sa RT-PCR swab test hanggang lumabas ang resulta, pinayagan silang manatili sa PTV kaya lalo umanong kumalat ang coronavirus.
“People’s Television Network (PTV) has decided to undertake an extensive and thorough disinfection of its entire head office facilities. In an effort to ensure the safety and well-being of its employees and staff at this time of rising CoVid-19 cases in the country,” pahayag sa inilabas na advisory ng PTV kahapon.
“Effectively, the station will have to go off air on Wednesday, 17 March 2021 and resume broadcast the following day, 18 March 2021, for all non-stationed produced programs. The network’s flagship programs, Public Briefing Laging Handa and Ulat Bayan, will be back on air on Monday, 22 March 2021. A Full resumption of regular programming will be announced separately.”
“Isang taon na ang pandemic pero hanggang ngayon ay tuliro pa rin ang PTV management sa pagtugon sa CoVid-19. Ang kailangan ay malasakit sa mga empleyado at hindi pagsisipsip sa mga opisyal ng Palasyo,” anang desmayadong kawani ng PTV.
Ang PTV ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng Presidential Communications Office (PCOO).
Hindi man kumibo si Andanar sa “health crisis” sa PTV, naglabas siya ng kalatas para kontrahin ang ulat na bumabatikos sa human rights situation ng bansa na inilathala ng InvestigatePH.
“We strongly disagree with the malicious report by InvestigatePH on the human rights situation, and the policies and programs of President Rodrigo Roa Duterte and his administration,” ani Andanar.
(ROSE NOVENARIO)