KAGYAT na bigyan ng P10,000 ayuda sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan ang mga pamilyang mahihirap at kontrolin ang presyo ng mga bilihin, ang dapat iprayoridad ng administrasyong Duterte upang maisalba sa matinding dagok ng pandemya sa kanilang kabuhayan.
Ipinanukala ito ng research group na Ibon Foundation sa pamahalaan sa gitna ng kawalan ng trabaho at pagbagsak ng kita ng mga pamilyang maralita at pagsasamantala ng mga negosyante .
Anang Ibon, ang pangmatagalang solusyon sa paglobo ng halaga ng mga bilihin ay makabuluhang suporta ng gobyerno sa mga magsasaka at mangingisda upang lumaki ang kanilang produksiyon.
Ipinunto nito ang patuloy na pagbawas ng pondo para sa agrikultura sa pambansang budget, mula sa 3.6% noong 2019 sa 3.2% ngayong 2021.
Iginiit ng Ibon ang pangangailangan para sa umento sa sahod na matagal nang hindi nararanasan ng mga obrero sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Anang Ibon, naranasan ng mga manggagawa ang pinakamatumal na wage hike sa panahon ng administrasyong Duterte at pinakamaliit na umento sa sahod sa nakalipas na 35 taon.
Ang nakalipas na mga administrasyon ay nakapagpatupad ng anim hanggang pitong beses na wage hike at maging ang mahigit dalawang taon na Estrada administration ay dalawang beses itinaas ang sahod.
Sa kasalukuyan, ipinatutupad ang P537 minimum wage sa National Capital Region ay kapos dahil aabot sa P1,057 ang family living wage o ang halagang kailangan ng isang limang kataong pamilya upang mabuhay ng maayos. (ROSE NOVENARIO)