KINOMPIRMA nina Bocaue, Bulacan Mayor Jose Santiago, Jr., at Konsehal Aldrin Sta. Ana na pareho silang napositibo sa coronavirus disease 2019 (CoVid-19), nitong Miyerkoles 6 Enero.
Ani Mayor Santiago, nang sabihan siya na may nakasalamuha siyang taong positibo sa CoVid-19, agad siyang sumailalm sa swab test sa Joni Villanueva Molecular Laboratory (JVML) kung saan lumabas ang resulta noong Martes ng gabi, 5 Enero.
Pinaalalahan ni Santiago ang mga taong kaniyang nakasalamuha na obserbahan ang kanilang mga sarili at hangga’t maaari ay sumailalim sa self-quarantine.
Pahayag ng alkalde, kung nakararamdam sila ng sintomas, agad itong ipaalam sa mga barangay health official sa kanilang lugar o tumawag sa CoVid hotline ng bayan (0997 601 0408) upang matulungan silang makapagpa-test agad.
Samantala, kinompirma din ni Konsehal Aldrin Sta. Ana sa kaniyang social media post na siya rin ay nahawaan ng coronavirus.
Ani Sta. Ana, nasa mabuti siyang kalagayan at kinakailangan lamang na tapusin ang dalawang linggong self-quarantine upang matiyak na hindi siya makahahawa sa iba.
Pansamantalang isinara ang munisipyo ng Bocaue para sa isang linggong paglilinis at disimpektasyon.