SINALAKAY ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang laboratoryo ng ilegal na droga sa bayan ng Cainta, lalawigan ng Rizal, nitong Huwebes ng tanghali, 7 Enero.
Ayon sa mga awtoridad, nagpa-book ang isang “Jose” sa isang door-to-door delivery service mula sa Brgy. San Andres, sa naturang bayan upang magpadala ng package sa isang hotel sa lungsod ng Maynila.
Sinuri ng delivery rider and bag na naglalaman ng package kung saan nakita niya ang sari-saring biskwit at tinapay.
Nang tangkang susuriin pa ng rider hanggang ilalim ng bag, hindi pumayag si Jose at pinilit siyang umalis na.
Dahil sa pagdududa ng rider, humingi siya ng tulong nang makakita siya ng pulis at nadiskubre nilang nasa ilalim ng bag ang hinihinalang shabu.
Pinuntahan ng PNP Drug Enforcement Group at PDEA ang bahay ni Jose at natagpuan nila ang makeshift kitchen laboratory, mga ilang bote ng kemikal, mga tablet, at hinihinalang shabu.
Naabutan ng mga awtoridad ang isang babae sa loob ng bahay ngunit nakatakas na ang kaniyang kinakasamang si Jose.
Iniimbentaryo pa ng PDEA ang halaga ng mga nakompiskang kagamitan at ilegal na droga.